LUNSOD NG MALOLOS, Bulacan- Nagpamahagi ang Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan sa pamamagitan ng Provincial Veterinary Office at sa pakikipagtulungan ng Department of Agriculture o DA ng kabuoang 462 free range na manok sa 66 na Bulakenyong magsasaka sa ginanap na Animal Distribution Program nitong Huwebes, Hunyo 3 sa Bakuran ng Kapitolyo.
Nagmula ang 212 na mga manok sa DA-Regional Field Office 3 habang ang natitirang 250 ay nanggaling sa sariling bukid ni Gobernador Daniel R. Fernando.
Ibinahagi ni Fernando sa mga magsasakang benepisyaryo na nagsisimula na ang konstruksyon ng Farmer Training School at itatayo rin ang Farmers Productivity Multiplier and Breeding Center sa lalawigan.
“Ang mga ito po ay bahagi ng ating recovery program. Layunin po nito na magkaroon ng hanapbuhay ang mga Bulakenyo. Inaayos na rin po ang patuloy na pagpapatupad ng People’s Agenda 10. Kailangan natin ng hanapbuhay bilang paghahanda para sa mga susunod pang panahon,” anang muling nahalal na gobernador.
Bahagi ang mga benepisyaryo mula sa Plaridel, Marilao, Santa Maria, Angat, Lungsod ng Malolos, Bulakan, San Rafael, San Ildefonso, Obando, Lungsod ng Meycauayan, Guiguinto, at Norzagaray sa rehabilitation program para sa mga magsasaka na naapektuha ng mga Bagyong Fabian, Jolina, at Maring noong 2021. – Ni Harold T. Raymundo