Katuwang si Mayor Valeda at DSWD sa Liwanag at Lingap-Relief Packs Distribution
BAYAN NG OBANDO, Bulacan – Namahagi ng 2,000 relief packs si Senador Risa Hontiveros sa mga Obandenyo nitong Huwebes, Agosto 22 sa Bulacan Polytechnic Covered Court, Brgy, Tawiran sa bayan na ito.
Bahagi ng programang Liwanag at Lingap Relief Packs Distribution ni Senador Hontiveros ang naturang pamamahagi ng mga DSWD food box na naglalaman ng mga pangunahing pagkain.
Katuwang ng Senadora si Mayor Leonardo “Ding” Valeda at DSWD sa pamamagitan ni Municipal Social Welfare and Development Officer Reygie Cabucos, sa isinagawang pamamahagi ng ayuda sa 2,000 pamilyang Obandenyong naapektuhan nang nagdaang bagyong Carina.
Sa kanyang mensahe bago simulan ang pag-aabot ng tulong, sinabi ni Sen. Hontiveros na galing din sa mamayan mismo ang dala niyang tulong at matatawag na bayanihan ang isinagawang pamamahagi ng mga biyaya.
“Hindi po madali ang pinagdadaanan ninyo, hindi po madaling humarap sa bagyo plus Habagat plus baha. Kaya sana po ang konti pong tulong na dala namin ngayong umaga sa pakikipag-partner kay Mayor at sa DSWD, na galing sa buwis ng mamamayan at galing din po sa bawa’t isa sa atin at bawa’t isa sa inyo, ay ituring po nating bayanihan at para sa isa’t-isa,” anang mababatas.
Pinasalamatan naman ni Mayor Valeda si Sen. Hontiveros at ikinasiya ang personal na paghahandog ng tulong ng Senadora.
“Napakalaking tulong ang dala ninyo sa bayan ng Obando at higit sa lahat ang inyo pong presensya ay lubhang napakahalaga po sa aming mga Obandenyo, dahil sa loob po ng aking 33 taong pagseserbisyo ay bihira ang dumadalaw na Senador sa maliit naming bayan,” anang alkalde
“Nawa’y ang pagtulong nyo sa Obando ay tuluy-tuloy at huwag po kayong magsasawa at kami naman po ang bahala sa inyo pagdating ng araw,” dagdag pa ni Valeda.
Sumuporta rin sa pamamahagi ang ilang opisyal at kawani ng Pamahalaang Bayan ng Obando, Konsehal Rowell Rillera, Kon. Philip Dela Cruz, Kon. Mico Dela Paz, Kon. Evangeline Bautista Bernardo, Kon. Crina Palao Ramos, at Kon. Buboy Banag.
Dumalo rin para magpakita ng suporta sina ABC Pres. Kapitan Benny Sta. Ana ng Hulo, Kapitan Manny Valeda ng Tawiran, Kap. Obeth Marquez ng Paco, Kap. Esmer Papa ng San Pascual, Kap. Tessie Banag ng Paliwas, Kap. Randy Miranda ng Pag-asa, Kap. Ruben Serrano ng Catanghalan, Kap. Bubot Sayao ng Panghulo, Kap. Sammy Roxas ng Binuangan, at Kap. Mercy Dolorito ng Salambao. – Ni Harold T. Raymundo