Iginiit ni Senator Alan Peter Cayetano nitong Martes na obligasyon ng Senado na tuparin ang mandato nito sa ilalim ng Konstitusyon matapos matanggap ang articles of impeachment laban kay Vice President Sara Duterte.
“Kapag constitutional mandate, gagawin mo lang,” wika ni Cayetano sa isang maikling panayam kung saan tinanong siya kung kailangan pa bang pagbotohan ng Senado ang pag-convene bilang impeachment court.
Aminado si Cayetano na maaaring magkaroon ng botohan sa hanay ng 24 na senador, pero nagbabala siya laban sa paggamit ng botohan para pigilan ang proseso.
“Y’ung implementing it and applying it to the 24 senators, may botohan ‘yan. But just because may botohan doesn’t make it right,” wika niya.
Dagdag pa niya, hindi dapat maibasura ang mandato ng Konstitusyon sa pamamagitan lamang ng simpleng majority vote sa plenaryo.
Pormal na ipinadala ng Kongreso ang articles of impeachment sa Senado sa araw ng pagsasara ng sesyon noong February 5, 2025 at hindi agad nakagawa ng aksyon para rito.
Sa muling pagbubukas ng pinal na sesyon ng Kongreso ngayong linggo, iniurong ni Senate President Francis “Chiz” Escudero ang presentasyon ng articles of impeachment sa June 11 mula June 2 upang tutukan ang mga mahahalagang panukala na nakabinbin bago magtapos ang 19th Congress. ###