BAYAN NG ANGAT, Bulacan – Sa patuloy na pamamahagi ng pinansyal na tulong at mga food pack sa mga mas nangangailangang Bulakenyo, personal na naghatid si Senador Bong Go nang nasabing tulong nitong Miyerkules, Nobyembre 6 sa Angat Municipal Gymnasium sa bayan na ito.
Katuwang ni Senador Go ang Pamahalaang Bayan ng Angat sa pamumumuno ni Mayor Jowar Bautista, sa pamamahagi ng tulong sa 1,500 na Angatenyo na lubhang naapektuhan nang nagdaang mga kalamidad.
Pondo mula sa Local Government Support Fund o LGSF ang ipinamahaging tulong pinansyal na inisyatiba ng butihing senador.
Bukod sa inihandog na mga tulong, nakatanggap din ng bitamina ang mga benepisyarong nabibilang sa sektor ng senior citizen, miyembro ng TODA, at mga magsasaka.
Sa kanyang mensahe, pinasalamatan ni Go ang mga Angatenyo dahil sa pagkakataong ibinigay sa kanya upang makapag-serbisyo at nangakong hindi sasayangin ang pagkakataong iyon dahil bisyo niya ang magserbisyo.
“Mayroon lang po akong sasabihin sa inyo at tandaan po natin ito. Minsan lang tayo dadaan sa mundong ito. Kung ano pong kabutihan o tulong na pwede nating gawin sa ating kapwa ay gawin na natin ngayon dahil hindi na tayo babalik sa mundong ito. Iyan po ang totoo,” dagdag pa ng senador. Pinasalamatan din ni Mayor Bautista si Senador Go sa walang sawang malasakit para sa kapakanan ng kanyang mga kababayang Angatenyo.
Dumalo rin para magpakita ng suporta sina Senatoriable Phillip Salvador, dating Santa Maria Mayor Russel Pleyto, kinatawan ng amang si Congressman Salvador “Ka Ador” A. Pleyto ng ika-6 na Distrito ng Bulacan, Mayora Leslie Bautista, Vice Mayor Arvin Agustin, at mga kasapi ng Sangguniang Bayan.