Muling iginiit ni Senador Alan Peter Cayetano nitong Linggo ang kanyang suporta para sa direktang tulong sa mga Pilipino.
Aniya, patuloy niyang iuusad ang isyung sa taunang deliberasyon ng national budget kahit na nananatiling tutol dito ang kasalukuyang administrasyon.
Sinabi ito ni Cayetano sa sa isang meet-and-greet sa mga Overseas FIlipino Workers (OFWs) sa OFW Global Center sa Hong Kong nitong January 26, 2025. Nasa Hong Kong siya para sa isang espesyal na episode ng Cayetano in Action with Boy Abunda, kasama sina Senator Pia Cayetano at King of Talk Boy Abunda na kanyang mga co-hosts sa palabas.
Sinabi niya na ang ang kanyang panukalang 10K Ayuda program ay direkta sanang makapagbibigay tulong sa mga Pilipino nangangailangan. Sa kasamaang palad, hindi ganito ang gusto ng administrasyon.
“It’s a policy debate… Kung deretso sa tao (ang ayuda), mas maganda. Kailangan ng tao ng pera,” wika ng senador sa kanyang maikling mensahe sa pagpupulong.
Dating kalihim si Cayetano ng Foreign Affairs at matagal nang tagapagtaguyod ng mga manggagawang Pilipino sa ibang bansa. Taong 2005 pa lang ay aktibo na ang kanyang pakikipag-ugnayan sa komunidad ng mga Pilipino sa Hong Kong si Cayetano.
Sa kanyang mensahe, sinabi ni Cayetano na patuloy niyang isinusulong ang panukalang 10K Ayuda program kahit nakatatanggap siya ng mga kantyaw. Aniya, maraming Pilipino ang makikinabang dito.
Dagdag ng senador, napatunaya nang epektibo ang direct assistance noong panahon ng COVID-19 pandemic nang direktang ibinigay ang tulong na pera sa mga tao.
Una nang inihain ni Cayetano ang 10K Ayuda Bill (House Bill No. 8597) noong 2021 sa 18th Congress kasama ang kanyang asawa, si noo’y Taguig first district Rep. Lani Cayetano.
Nang hindi isinama ng 18th Congress ang panukala sa Bayanihan 3 COVID-19 package, inihain ito ni Cayetano noong 2022 sa Senado bilang Senate Bill No. 62 o ang panukalang Sampung Libong Pag-asa Law.
Diin ng senador sa komunidad sa Hong Kong na hindi ito ang patakaran ng kasalukuyang administrasyon, na gustong ilaan ang pondo sa iba’t ibang programa at ahensya sa halip na direktang ibigay sa mga tao.
“Mas maganda daw kasi na targeted programs tulad ng sa AICS (Assistance to Individuals in Crisis Situation Program) o MAIFIP (Medical Assistance to Indigent and Financially Incapacitated Patients Program), et cetera,” wika niya.
Ang problema, “hindi naman lahat nakakakuha,” dagdag niya.
Nangako pa rin ang senador na pagtutuunan niya ng pansin ang isyu ng direktang tulong sa taunang national budget deliberation sa Senado.
“My job is to tell people what they need to hear,” aniya.