LUNSOD NG MALOLOS, Bulacan – Nanumpa sa katungkulan si Senador Emmanuel Joel “TESDAMan J. Villanueva sa kababatang Punong Barangay Robin Del Rosario ng Bunlo, Bocaue nitong Lunes, Hunyo 27 sa harapan ng makasaysayang Simbahan ng Barasoain.
Sinaksihan nang buong pamilya ni Sen. Villanueva ang kanyang panunumpan sa panunguna ng asawa’t anak kasama sina Congressman Bro. Eddie Villanueva, incoming Bocaue MayorJonjon Villanueva, incoming Bocaue Vice Mayor Sherwin Tugna at kanilang mga pamilya.
Pinili ni Senador Villanueva na sa kababatang kapitan ng barangay manumpa sa ikalawa niyang termino at sa Simbahan ng Barasoain gawin ang panunumpa bilang paglingon na rin sa kanyang pinanggalingan.
Ika nga sa kasabihang Filipinong namutawi sa mga labi ng ating pambansang bayaning si Dr. Jose P. Rizal,
“ang hindi lumingon sa pinanggalingan ay hindi makakarating sa paroroonan, na ngayo’y isinabuhay ni Sen. Villanueva patungkol sa paraan ng kanyang panunumpa.
Pagkilala rin a sa kapangyarihan ng ordinaryong Pilipino na magbigay-daan sa masayang pagbabago ng bayan ang dahilan kaya pinili ni Sen. Villanueva si Kapitan Del Rosario.
Binanggit din ng senador ang kahalagahan ng kanyang panunumpa sa Simbahan ng Barasoain, na lugar ng maraming makasaysayang kaganapan sa Pilipinas.
“Nakatala sa ating kasaysayan kung paanong nakamit ang kasarinlan ng buong bansa dahil sa pakikibaka ng mga bayaning Bulakenyo, at sa mahahalagang yugto ng kasaysayang naganap dito mismo sa loob ng Simbahan ng Barasoain. Kaya ang pagiging Bulakenyo ay mabigat na “pressure” o hamon sa pagganap natin sa ating mandato bilang Senador ng Republika ng Pilipinas,” ani Villanueva.
Sinabi rin ng senador na lumalaban ngayon ang Pilipinas sa mga makabagong himagsikan laban sa kahirapan, kawalan ng trabaho, pandemya, at mga suliraning panlipunan gaya ng korapsyon at fake news.
Ayon pa kay Villanueva, isusulong niya sa kanyang pangalawang termino ang mga panukalang batas na magbibigay ng oportunidad sa trabaho, hanapbuhay, sweldo, at pagnenegosyo para sa mga Pilipino.
Kabilang aniya sa mga panukalang ito ay ang pagpapalawig ng unemployment insurance, institusyonalisasyon ng National Employment Plan, pagtatalaga ng Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers Program o TUPAD, wage subsidy para sa mga MSMEs, “living wage” bilang pamantayan ng sweldo, pagpasa ng Security of Tenure Act o pagtuldok sa “endo” at pagpapalawig ng mga scholarship program.
Dumalo rin sa nasabing panunumpa ang ilang nahalal na opisyal ng Lalawigan ng Bulacan, ilang opisyal CIBAC Party-List at mga kamag-aral sa Unibersidad ng Santo Tomas.