Ipinapaliwanag ni Congressman Engr. Salvador “Ka Ador” A. Pleyto ng Ika-6 na Distrito ng Bulacan sa 1000 benepisyaryo, ang handog na tulong mula kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. sa pagdiriwang ng kanyang kaarawan. – Larawang kuha ni Harold T. Raymundo

BAYAN NG SANTA MARIA, Bulacan – Pinangunahan ni Congressman Engr. Salvador “Ka Ador” A. Pleyto, ang pamamahagi ng tulong pinansyal mula kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., sa pamamagitan ni Speaker Ferdinand Martin Romualdez nitong Biyernes, Setyembre 13 sa  Dulong Bayan, Poblacion sa bayan na ito.

1000 benepisyaryo ang nabahaginan ng P5,000 bawat isa sa ilalim ng programang Handog ng Pangulo: Serbisyong Sapat Para sa Lahat ng Department of Social Welfare and Development o DSWD.

Isinabay ang pamamahagi sa pagdiriwang ng kaarawan ni Pangulong Marcos at naging bahagi nang sabayang pamimigay ng tulong pinansyal ng lahat ng Kongresista sa buong bansa.

Pasasalamat una sa Poong Maykapal ang nasambit ni Congressman Pleyto kasunod  ang pasasalamat sa biyayang kaloob ni Pangulong Marcos para sa kanyang mga kababayan.

Ibinahagi din ni Pleyto ang bilin ng Pangulo na wala nang poli-politika ngayon, lahat ay dapat magkaisa at magtulungan sa ikakaayos ng kani-kanilang distrito at mga bayan na nasasakupan.

Kaya’t ikinatuwa ng Kinatawan ng Ika-6 na Distrito ng Bulacan ang pagaanunsyo nang pagsasanib puwersa nila ni Mayor Omeng Ramos para sa ikauunlad ng bayan ng Santa Maria at maging makasaysayang kaganapan sa araw pa mandin nang kapanganakan ni Pangulong Marcos na may dalang handog para sa napiling benepisyaryo.

Nakasama ni Cong. Pleyto sa paghahandog ng biyaya sina Mayor Ramos , Vice Mayor Eboy Juan, Bokal Jay  de Guzman,  Bokal Art Legaspi, at mga kasapi ng Sangguniang Bayan ng Santa Maria sa pangunguna ni  Konsehal Mac Clemente, Kon. Fe Ramos , Kon. Nelson Luciano, Kon. Froilan Caguiat, Kon. Jess de Guzman, at Kon. Carl Castillo. Sabay sabay ding bumati sina Pleyto kasama ang lahat ng dumalo ng isang masayang “Happy Birthday President Bongbong Marcos. Maraming Salamat Po,” na inirecord sa video para ipakita sa mahal na Pangulo.