LUNSOD NG MALOLOS, Bulacan – Ipinagdiwang ng dugong Bulakenyo sa katauhan ng abstract at installation
artist na si Andrew Alto de Guzman ang Singkaban Festival sa pamamagitan ng pagbubukas ng kanyang
4th One-Man Art Exhibition na tinawag na HomAge: 30 Years of Art na ginanap nitong Huwebes, Setyembre 8 sa Guillermo
E. Tolentino Hall, Hiyas ng Bulacan Cultural Center sa lunsod na ito.
Tampok sa eksibit na ito ang kanyang mga gawa noong huling 30 taon mula sa abstracting sa kanayunan
hanggang sa serye ng quarantine ng kasalukuyang COVID-19 pandemya kabilang ang sketches, acrylic on
canvas, sculptures at installation art.
Ang mga eksibit ni de Guzman na bukas hanggang Setyembre 30, 2022 ay paraan din niya na maipakita
ang kanyang pagpapahalaga sa kanyang lahing pinag-ugatan.
Hindi lamang siya isang alagad ng sining kundi isa ring heritage advocate at prime mover ng heritage
conservation sa Pulilan at sa ngayon ay nakapagtayo at nakatulong bumuo ng hindi bababa sa pitong
museyo sa lugar ng kanyang bayang pinagmulan.
Nakapag-ambag din ang multi-talented artist sa preserbasyon ng sining sa pamamagitan ng restorasyon
ng heritage structures kabilang ang gusali ng Gabaldon sa Pulilan, simbahan sa Plaridel at marami pang
iba.
Ang kanyang mga ginawa at serbisyo ay nagkamit ng iba’t ibang karangalan sa pagpipinta, pelikula,
agrikultura at kawang gawa.
Samantala, inaanyayahan ni Gob. Daniel R. Fernando ang lahat ng mga art aficionado na saksihan at
bisitahin ang the eksibit at mamangha sa mga likha ng talentadong Bulakenyo.
Naging posible ang okasyong ito sa pamamagitan ng Provincial History, Arts, Culture and Tourism Office
at sa suporta ng Pamahalaang Bayan ng Pulilan, AADG Design and Construction, Green Ants Builders,
Inc. at Rotary International District 3770. – PPAO