Oplus_0

LUNSOD PASAY — IBINUNYAG ni Navotas Rep. Toby Tiangco kamakailan sa Senado ang sistemang “Sagasa,” ang tila pinakabagong pamamaraan umano ng ilang kongresista para pagkakitaan ang mga proyektong pinopondohan ng gobyerno.

Sa pagharap ni Rep Tiangco sa mga pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee, inihayag niya  ang pagsagasa ng dating House appropriations committee chair at Ako Bicol Party List Rep. Zaldy Co sa ilang mga district representative sa 2025 General Appropriations Act, kung saan nagkaroon ng mga proyekto na hindi naman kailangan ng mga mamamayan doon.

“For example po, si Zaldy Co ang proponent pero ang congressional district na napuntahan is Abra. Ang total po niyan is 3 billion yata. Pag tinanong mo naman yung congresswoman dyan, hindi naman niya re-request,” giit ni Tiangco na kusang-loob na nagtungo sa Senado para ilahad ang kanyang nalalaman sa anomalya.

Dahil sa naungkat na modus na ito, lumilitaw ang posibilidad na bahagi ng malawakang Sagasa ang pagsulpot ng milyun-milyong halaga ng ghost flood control projects sa lalawigan ng Bulacan na lingid sa kaalaman ng mga mambabatas tulad ni Senator Joel Villanueva.

Nadiin muli si Co bilang utak ng Sagasa modus sa nakaraang pagdinig ng Senate Blue Ribbon committee nitong Huwebes, kung saan lumakas ang pagpapatunay na tila nasagasaan lamang si Villanueva at wala itong kinalaman sa naturang anomalya.

Iginiit muli ng sinibak na Bulacan 1st district engineer Henry Alcantara na walang flood control projects na isinulong si Villanueva dahil “galit na galit” ito sa naturang uri ng proyekto.

“Ako po yung gumawa ng paraan at alam ko po kasi na galit na galit si Senator [Villanueva] sa flood control,” ani Alcantara sa pagtatanong ni Senador JV Ejercito habang binabalikan ang salaysay ng sinibak na opisyal.

“Naalala ko lang kasi si Senator Joel, consistent yan sa flooding at ayaw niya ng flood control, supposedly. Kaya nagulat ako, ba’t siya nagkaroon ng flood control? At kayo po ang nagsabi na, kala ko kayo lang ang the office, pero alam din po ni Usec. Bernardo na pinalitan,” ani Ejercito.

Umamin si Alcantara na lingid sa kaalaman ni Villanueva na pinalitan na ng flood control projects ang mga priority project ng senador na multipurpose buildings na mula sa mga natanggap nitong request mula sa iba’t ibang mga local government units.

Dagdag pa ni Alcantara na ang pagpalit sa mga proyekto ni Villanueva na multipurpose buildings patungong flood control projects ay may pahintulot ng nagbitiw na Public Works Secretary Manuel Bonoan at retired Undersecretary Roberto Bernardo.

Una nang sinabi ni Alcantara na inutusan siya ni Bernardo na tulungan si Villanueva matapos hindi maisama ang multipurpose building projects sa national budget. Ngunit iba ang naging pahayag ni Bernardo sa kaparehong tagpo.

“Hindi ko po maalala kung paano pong sinasabi niya na nagbigay ng 600 million na pondo,” pahayag ni Bernardo. “Nabanggit lang po niya [Alcantara] yung problema ng ganon, pero hindi po ako aware na gano’n dun sa sinasabi niyang flood control.”

Tila masasabing “Ground Zero” ng anomalya sa flood control projects ang lalawigan ng Bulacan kung saan isiniwalat ni Pangulong Marcos noong Agosto na maraming ghost projects ang mga kontratista at kawani ng Department of Public Works and Highways (DPWH).

Si Co umano ang namuno sa mga kinatawan ng Kamara sa Bicameral Conference Committee kung saan ipinagkaisa ng mga mambabatas ang magkaibang bersyon ng national budget bago dalhin sa Pangulong Marcos para kanyang lagdaan. (Mabuhay News Online)