StingRay

Boluntaryong nagpasailalim sa drug testing si Bulacan Gov. Daniel R. Fernando at Vice Gov. Alex Castro ilang araw pa lang ang nakakaraan.

Alinsunod sa kampanya at adbokasiya ng ama ng lalawigan ng isang Drug Free Province na malaki ang kahalagahan sa pag-unlad ng isang bayan.

Hind nga ba’t umiikot rin sa mga bayan at siyudad sa Bulacan ang programang Bola Kontra Droga ng Gobernador at Bise Gobernador, na mga celebrity o artista pa ang kanilang isinama para makipagbasketball sa pambato ng bawat lugar at maenganyo ang mga Bulakenyo na labanan ang iligal na droga na itinuturing na salot ng lipunan?

Pagpapakita rin nang magandang halimbawa ng  dalawang pinakaamataas na lider sa lalawigan,  sa mga nasasakupang lingkod bayan pati na rin sa mga nagnanais na kumandidato sa darating na Halalan, na sa unang lingo ng Oktubre ay  magsusumite na ng kanilang mga kandidatura sa kanilang Municipal at City Comelec.

Boluntaryong pagsunod na lamang ng mga Congressman, Congresswoman, Bokal, Mayor, Councilor, Brgy. Captain, Brgy. Councilor, para ipakita sa kanilang nasasakupan na makapaglilingkod sila ngayon at sa darating pang mga panahon na nasa kalinawan nang pag-iisip at hindi naiimpluwensyahan ng negatibong epekto ng ipinagbabawal na gamot.

Siguro’y random testing na lamang para sa mga kawani na kanilang nasasakupan, kung hindi makakaya ng kani-kanilang pondo ang pagpapa-drug test nang lahatan.

Lalo na sa mga Kapulisan, uliting muli ang ipinatupad ni dating Bulacan PNP Provincial Director PCol. Relly Arnedo na drug testing sa lahat ng mga Hepe sa bawat bayan at lungsod.

Kapag malinis ang mga puno, matinong pamayanan ang maihahandog sa mga mamamayan at kasunod ang kaunlaran na inaasam asam.

Independent at credible na drug testing center na lamang ang kinakailangan, para hindi pagdudahan ang resultang kalalabasan.

Sino kaya ang susunod sa pagpapadrug test ni Gob. Daniel at Vice Gov Alex?

Abangan…

PAGTUGON SA BAHA NG ALYANSA NG MGA BAYBAYING BAYAN NG BULACAN AT PAMPANGA

Nagsanib puwersa ang  Alyansa ng mga Baybaying Bayan ng Bulacan at Pampanga o ABB-BP para makatulong na matugunan ang matagal nang problema sa pagbabaha sa dalawang nasabing lalawigan.

Ang nasabing alyansa ay binubuo 10 baybaying bayan na kinabibilangan ng mga bayan ng Obando, Bulakan, Calumpit, Hagonoy, Malolos, at Paombong sa lalawigan ng Bulacan at mga bayan ng Macabebe, Masantol, Lubao, at Sasmuan sa lalawigan ng Pampanga.

Nito lang nakalipas na linggo ay pinangunahan ni Malolos City Mayor Atty. Christian D. Natividad at ni Kingdom of the Netherlands Ambassador to the Philippines Marielle Geraedts kasama ang mga kasapi ng alyansa, ang paglulunsad ng North Manila Bay Nature-based Flood Mitigation Solutions sa Malolos City Hall.

Agaran at pangamatagalang solusyon laban sa pagbaha ang layunin nang nasabing proyekto na popondohan ng Netherlands ang pagbalangkas at pagkukumpleto ng detailed engineering design ng proyekto habang popondohan naman ng Pamahalaang Lunsod ng Malolos ang mismong pagpapagawa at target tapusin sa susunod na anim na buwan.

Sa inisyal na detalye ng proyekto na ilalagak sa bahagi ng isla ng Pamarawan na nakaharap sa Manila Bay, ibabalik ang balanseng ekolohikal kung saan muling magtatanim at pakakapalin ang mga bakawan.

Sa susunod na 15 taon, makakaya na nitong pigilin ang pagpasok ng tubig dagat sa isla at makakalikha pa ng  sangktuwaryo para sa mga Isda, Hipon, Alimango at Alimasag na dadagdag sa kabuhayan ng mga tagarito.

Habang ginagawa ito, maglalagay ng mga sediment trapping unit na gawa sa kawayan na lalamanan ng mga pinagbalatan ng iba’t ibang aquatic product upang hindi malusaw nang matinding high tide. Poproteksiyunan din ito ng mga enhanced breakwater structure upang hindi maging direkta ang hampas ng alon sa isla.