Kapansin pansin ang mga tarpaulin na nagkalat sa paligid ng lansangan ng mga politikong alam naman nating tatakbo sa Halalan 2025.
Isama na riyan ang mga Party-List ng dati at bago pa lamang na nagnanais makalusot para maging Kinatawan ng mga marginalized sectors sa ating lipunan.
Maging sa mga telebisyon ay napapanood mo na ang mga nagbabalak na tumakbo sa susunod na eleksyon.
Hindi naman daw pumapatak na early campaigning ang mga nabanggit na taktika ng mga gustong maging public servants kuno, dahil hindi pa sila nagparehistro sa Comelec at hindi pa itinuturing na isang kandidato.
Ito ang isang halimbawa nang hindi patas na laban, bentahe ng mga may kaya laban sa salat sa yaman.
Butas ng batas, na sino ba naman ang mga nag-akda at nakikinabang, kundi yaong mga politikong gustong manatili sa kinang nang kapangyarihan.
Nakalulungkot ding isipin na unti-unting nawawalan nang saysay ang Party-List System sa ating bansa. Nabawasan na ang tunay na layunin nito sa mga sektor na nangangailangan talaga ng representasyon sa Kamara.
Boses na dapat pumailanlang sa apat na sulok ng Mababang Kapulungan na dapat manggagaling sana sa kanilang hanay ng iba’t-ibang marginalized sectors.
Na kung namisrepresent ng mga oportunistang politiko, na iba’y lagpas na sa kanilang termino, ngunit nagawang mapahaba at maibalik sa kahalintulad na posisyon dahil sa pagrerepresenta sa sektor na di naman siya nabibilang.
ISA NA NAMANG HALIMBAWA NG “POLITICAL WILL”
Sinira lahat ni Baguio City Mayor Benjamin Magalong kamakailan ang mga nakumpiskang vape at sigarilyo na ibinebenta sa nasabing lungsod.
Dahil na rin ito sa kampanya ng butihing alkalde na “Smoke Free Baguio,” na kilala sa pagtataglay nang malamig na klima at malinis na hangin, at umeenganyo sa mga local at maging international tourists na bumisita.
Isang halimbawa na naman ng political will na para sa kabutihan ng kanyang bayan at mamamayang nasasakupan, at hindi ng mga higanteng korporasyon na ang kita’y tatamaan sa produktong may negatibong epekto sa mga nasabing aspeto.
Kilala naman natin si Mayor Magalong, isang retiradong heneral na ipinaglaban ang alam niyang tama maging Pangulo pa ng bansa ang makabangga.
Ganyang mga klase ng serbisyo publiko ang dapat nating iluklok sa poder sa darating na eleksyon sa Mayo 2025 at nakakasiguro tayo na panalo ang mamayan at ang bayan.
Mabuhay ka Heneral Magalong!