Hindi biro ang pagsilbihan ang hindi mo naman kaanu-ano pero naging pamilyang
maituturing ng nasasakupan ng isang lingkod bayan.
Paninilbihang walang pinipling oras kapag sumalubong ang tawag nang
pangangailangan ng isang hikahos na mamamayan.
Ngunit sa kabila nang lahat ng ito, bakit marami pa rin sa ating mga kababayan
ang nahahalina na pumosisyon sa pamahalaan?
Mapa-barangay, munisipyo, lalawigan at mapa-nasyonal man.
Anong mayroon at karamihan ay naeenganyo na sumabak sa larangan ng pulitika?
Halimbawa na lamang dito ang paparating na halalang pambarangay na ilang ulit
nang ipinagpaliban at ngayo’y isinusulong ng Mababa at Mataas na Kapulungan
na ipagpalibang muli.
Kinakailangan na lamang ang lagda ni Pangulong Bongbong Marcos sa resolusyon
ng Kongreso at Senado na ipagpaliban ito.
Kung ito’y lalagdaan suwerte sa mga nakaposisyon sa pamahalaang barangay at
hahabang muli ang benepisyo ng kanilang paninilbihan.
Kung i-veto naman ito ni Pangulong Bongbong, bubukas ang telon sa mga
nagnanais na sila naman. Ika nga nila, weather weather lang.
Sa personal na karanasan ni STINGRAY bilang isang kawani ng Pamahalaang
Bayan, nakita natin ang mga ganansyang tinatanggap ng mga kawani ng
pamahalaang barangay sa Mayor, Congressman at Gobernador.
Kaliwa’t-kanan ang patawag sa nasabing mga lingkod bayan lalo na sa panahon ng
halalang pang-nasyonal.
Siguro naman, alam na natin ang ibig nitong ipakahulugan.
Maliban pa diyan ang mga pagsasanay na isinasagawa ng iba’t-ibang ahensya ng
pamahalaang nasyonal na karamihan ay sa mamahaling hotel at resort pa
isinasakatuparan.
Kalebel ng mga turistang sa mga lugar na yun ay nagpapakasarap sa
pansamantalang paninirahan.
Kaya mapapa “back to reality” na lamang ang mga nagsanay kapag nakauwi na sa
kani-kanilang barangay at balik na sa tunay na uri ng pamumuhay.
Hindi pa kasama dyan ang taas ng sahod, sa isang municipal at provincial level na
mga politiko.
May makagaya pa kaya sa mga prinsipyadong tao na naglilingkod sa bayan ng
walang hinihintay na kabayaran o pro-bono ika nga o 1 peso salary lang? Na ang
tunay na dahilan ng paninilbihan ay ibalik sa mamamayan ang tinatamasang
tagumpay at kasaganahan.