Nakita na natin ang isa sa mga sanhi nang pagbaha lalo na pag may malalakas na ulan at mga bagyo.
Tone-toneladang basura na karamiha’y galing sa mga kabahayan sa gilid ng mga ilog at estero na ang mga nakatira’y walang pakundangan kung magtapon sa mga katubigan.
Basurang bumabara sa mga daluyan ng tubig, na pumipigil sa deretsong paglabas nito sa mga malalaking lawa at karagatan.
Hindi pa kasama dyan ang mga dumi ng tao na deretsong dumedeposito at humahalo sa minsa’y pinapaliguan din ng mga tao.
Kung maipapatupad lang sana ng mga lokal na pamahalaan ang pagrerelocate nang lahatan, ng mga residenteng sa tabi ng mga ilog nananahan.
O kaya’y matinding abiso at monitoring sa mga nasasakupang mamamayan na sundin ang mga panuntunan para sa ikagaganda ng komunidad na kinabibilangan.
Kamay na bakal sa mga pasaway na kababayan, kaparusahang nararapat ang ipataw sa labis kung makapinsala ng kapaligiran.
Hamon sa naturingang lingkod bayan, na galit nang maapektuhang botante ang aasahang ganti sa aksyong karapat dapat naman.
Dyan mo rin makikita ang political will ng isang namumuno, na kayang suungin ang mga balakid, maipatupad lamang ang isang adbokasiyang ang bayan ang panalo.
KAHALAGAHAN NG PALABRA DE HONOR
Sa isang serbisyo publiko, ang pagtupad sa kanyang binitawang salita ay sumasalamin sa kanyang pagkatao.
Pagtitiwala ng sinabihan ang makakamtan kung sumunod sa mga inusal na pangungusap at pagkabawas ng integridad naman kapag hindi nagampanan ang mga tinuran at maituturing ding kasinungalingan.
Kaya pag-isipang lagi bago ilabas sa mga bibig ang mga salitang panghalina at galing sa emosyon na hindi naman pala kayang gawin.
Para na rin yang “think before you click” sa mga millennial na usung-uso ngayon sa mga in-na-in ngayong mga social media platforms.
Kapag sinabi mo na sa iyong nasasakupan na hindi ka na tatakbo sa susunod na halalan dahil ika’y nagdamdam sa hindi pagkakapanalo sa huling eleksyon na iyong sinalihan, ay huwag ipangatwiran na tawag ng taumbayan kaya mo muling naisipang tumakbo muli sa posisyong iyo nang dating nahawakan.
Isa kang oportunistang traditional politician na ang tingin sa sarili’y siya lang ang makapag-aangat ng bayang inaasam.
Marami po ba ang tinamaan?