StingRay

Nakaraan na ang isang linggong pagkakataon para sa mga nagnanais maglingkod sa kani-kanilang mga nasasakupan.

Nakapaghain na ng kani-kanilang kandidatura, sa pamamagitan nang pagsusimite ng kanilang Certifcate of Candidacy  sa bawat Commission on Elections na nakasasakop sa kanila.

Karamihan pa nga’y, dumadalo muna sa isang Banal na Misa bago sumilip ang Haring Araw at bago tumulak sa Comelec, para na rin siguro sa pagpapalang gustong matanggap sa larangang gusto muli nilang pasukin at ituloy at sa Iba’y gusto nilang subukan.

Magandang senyales sa mga gustong maglingkod, na kinakikitaan ng takot sa Diyos para magampanan nang matuwid ang katungkulang nais sungkitin sa paggabay na rin ng Dakilang Lumikha.

Ang siste nga lang ay kung gaano kasinsero ang pagdalo ng isang politiko sa Misa, na hindi napipilitan lamang dahil sa utos nang mas nakatataas na posisyon.

Kung maging madalas o regular na dinadaluhan, tutal nandoon na rin lang, isapuso at isaisip ang pangrelihiyong seremonya, at isagawa ang itinuturo nito para sa kabutihan at kapakinabangan ng nasasakupan.

Ang tanong nga lang ay kung sino ang pakikinggan ng Poong Maykapal sa magkatunggaling nagsusumamo sa kanyang pagpapala.

Na huwag namang ikapagtatampo nang hindi pinalad na mapagbigyan, at positibong isaisip na mas may magandang plano ang kanyang Tinitingala para sa magandang landas na nakalaan para sa kanya.

Kaya, walang puwang sa ating lipunang ginagalawan ang karahasang muli na namang nagparamdam sa lalawigan ng Bulacan, bulong ng mga demonyong sumasaklob sa kahinaan ng bawat nilalang.

Katapat nila’y karma na hindi sila titigilan, sukdulang hindi na kayanin ng kanyang kaisipan at bagabagin ng kunsenyang higit ang kaparusahan.