StingRay

Nagkaroon ng isyu sa pagitan ni Gobernador Daniel Fernando at ng ilang mamamahayag sa lalawigan ng Bulacan. Nagparatang nang hindi maganda ang gobernador sa ilang kasapi ng Bulacan Press Club Inc.

At para hindi na lumaki ang gusot sa pagitan ng magkabilang panig, agad namang pagpapakumbabang ipinaset ni Gob. Daniel ang pagpapalitan ng kuru-kuro para na rin sa magandang pakikisalamuha ng bawat isa professionally.

Sa pamamagitan ng Provincial Public Affairs o PPAO, ikinasa ang nasabing dayalogo nitong Martes Pebrero 7 sa Balagtas Hall ng Hiyas ng Bulacan Convention Center.
 
Gabi pa lang bago ganapin ang naitakdang paghaharap,  hiningi na ng PPAO ang mga pangalan ng mga taong involved para maiwasan ang pagdalo ng mga taong wala namang isyu sa gobernador.

Plantsado pagdating sa mismong araw nang pagpapaliwanagan. Nakatala ang mga dadalo at ang hindi nakalista ay hindi dapat naroroon.

Magiliw ang ilang mga PPAO staffer, inihanda na ang video camera para sa dokumentasyon nang pag-uusap at presensya na lang ng gobernador ang hinihintay.

Ngunit may ilang mamamahayag na hindi naman nakalista ang nagpilit na nagpatala at gustong sumali sa dayalogo kahit na pinagsabihan na sila ng PPAO at nakita nila na wala sila sa opisyal na listahan na nakaprint na ang mga pangalan at kinabibilangang media outlet.

Pilit nilang isinisiksik ang kanilang mga sarili kahit pinaliwanagan na silang, pag-aayos ito ng isyu ng mga pinaratangan at ng gobernador.

Sarado ang pag-iisip nila na ang patawag ay para sa lahat ng miyembro ng Bulacan Press Club na kanilang kinakaaniban, kahit sa kanilang mga nakaraang mga  aksyon ay hindi nila nirerespeto ang ilang mga pinuno ng samahan.

Noong una’y hinayaan ng mga opisyal na kasama sa listahan na ayusin ng PPAO ang naturang sitwasyon hanggat wala pa ang ama ng lalawigan.

Ngunit nang hindi na makaya ng mga tauhan ng PPAO na palabasin,  nagpasya na ang mga opisyal na kasama na umalis na lang sa pinagdarausan, dahil sa tingin nila ay makakagulo ang mga gate crasher dahil wala naman silang isyu sa gobernador.

Maging ang hepe ng PPAO ay hindi nagawang pakiusapan ang mga gate crasher, kahit alam niya, gabi pa lamang bago ang dayalogo, na hindi kasama ang mga nagpumilit na sumama. Dahilan upang hindi matuloy ang dayalogo sa araw na iyon.

Dagdag pa riyan ang pagsasabi ng hepe ng PPAO sa kinatawan ng mga opisyal na nakalista na hindi na muna matutuloy ang dayalogo, at ayusin muna ang hidwaan sa aming mga hanay.

Naiba tuloy ang isyung dapat sana’y binibigyang-solusyon.

Sa ganang akin, bilang isa siyang puno ng isang tanggapan na namahala din sa itinakdang dayalogo,  siya na mismo ang dapat gumawa ng paraan para matuloy ang pag-uusap.

Sinisiguro niya dapat na plantsado ang nasabing aktibidad  at makaharap ng kanyang pinagsisilbihan ang mga mamamahayag na may gustong linawing isyu, tutal mismong ang gobernador and nagpatawag nito.

Masasabi kong failure on her part na hindi matuloy ang dayalogo, gaya na lang  ng sistema ng official media coverage at not official na matagal nang inirereklamo ng karamihang tagapagbalita sa Bulacan.

Matuloy pa kaya ang NAUNSYAMING DAYALOGO? O pababayaan na lamang ng gobernador at ng PPAO ang nakalutang na paratang sa ilang kasapi ng ika-4 na estado sa lalawigan ng bayaning si Gat. Marcelo Del Pilar!

Abangan!