StingRay

Napasama ang Lingguhang Pahayagang Mabuhay sa mga finalists sa katatapos
lamang na Philippine Press Institute 2022 Civic Journalism Community Press
Awards nitong April 25 sa Citadines Bay City Manila, Macapagal Boulevard, Pasay
City.
Pumasok sa Weekly Category ng Best in Photojournalism ang Mabuhay ng Luzon
kasama ang MetroPost ng Visayas at Mindanao Cross ng Mindanao, kung saan
nagsilbing hurado si Jesus M. Aznar, Photojournalist ng The New York Times at
Foreign Correspondent Association of the Philippines.
Tinanggap ni Jenny Raymundo, Associate Editor ng Pahayagang Mabuhay, ang
Plake ng Pagkilalang binigkas ni multi-awarded journalist Kara David, na nagsilbing
emcee rin nang Gabi ng Parangal.
May lima pang kategorya ang prestihiyosong Community Press Awards kabilang
na ang Best Edited Community Newspaper, Best Editorial Page, Best in Business
and Economic Reporting, Best in Environmental Reporting at ang bagong
kategoryang Best in Reporting on Migration Issues.
Napanalunan ng Baguio Chronicle ang tatlo sa anim na kategorya para sa Weekly
at tig-dalawa naman ang SunStar Davao at SunStar Cebu para sa Daily.
Taunang isanasagawa ng PPI na kilala rin bilang The National Association of
Newspapers, ang pagbibigay pagkilala sa kasaping pahayagan, kung saan isa ang
Mabuhay kasama ang 60 pang pahayagan sa buong kapuluan.
Nangunguna sa listahan ng mga kasapi ang Manila Standard, Philippine Daily
Inquirer, Philippine Star, Pilipino Star Ngayon, PJI, Malaya Business Insight at ang
SunStar Group of Publications.
Natatangi at nag-iisa lang ang ganitong programang parangal ng PPI hanggang sa
kasalukuyan, na pinamamahalaan ng Asian Insititute of Journalism o AIJC.

Salamat na lamang at nariyan ang Nickel Asia Corp. o NAC na nagsilbing principal
partner ng PPI sa isinagawang tatlong araw na aktibidad at isang sorpresang
pahayag mula sa kinatawan ng NAC nang panibagong partnership sa mga darating
pang mga proyekto’t programa ng PPI.
Motibasyon at inspirasyon ang dala ng mga ganitong parangal sa tinaguriang ika-4
na estado ng ating lipunan na nagpapakainam sa larangang ng pamamahayag.
Maging basehan sana ito ng iba pang mga samahan ng mga pahayagan o
mamamahayag, mapa-print, radio, tv at ngayo’y online bloggers, na pagbutihin
ang kanilang “craft” at kasanayan, na tumatalima sa tagubilin ng Journalist Code
of Ethics ng PPI, National Union of Journalists of the Philippines at National Press
Club.
Kahit dumadaan sa pagsubok ang mga pahayagan sa buong bansa, lalo na noong
panahon ng pandemya, nagawa pa rin ng ilan kundi man ng karamihan na
tugunan ang tawag ng mamamayang kanilang nasasakupan para sa makabuluhan,
napapanahon at tamang impormasyon.
Pasasalamat sa pagkilalang tinanggap ng aming Pahayagang Mabuhay sa
bumubuo ng PPI sa pamumuno ni Chairman & President Rolly Estabillo na
Publisher din ng Manila Standard, lalo na kay Executive Director Ariel Sebellino na
laging handang makinig sa nais sabihin ng mga kinatawan ng miyembrong
pahayagan.