Maraming naenganyo sa mala-gayumang halina ng politika, mapa-bagong kandidato, reeleksyonista at maging ng mga nagbabalik na politikong nakatapos na nang kani-kanilang termino.
Ano nga ba ang mayroon at tila gustung-gusto nilang pumalaot sa sinasabi nang karamihan na magulong mundo ng pulitika?
Mismong salitang politika, ay may negatibong konotasyon, gaya na lang kapag sinabing napolitika ka ay pangit na ang dating sa tinatawag na biktima.
Sa isang banda’y positibong aspeto ang inilalarawan ng “political will” na nagreresulta sa magandang kinalabasan para sa pinupuntiryang layunin.
Ilang politiko sa national level ang gumagastos pa ng milyun-milyon at iba pa nga’y bilyon para lang mapalabas sa telebisyon, mapakinggan sa radyo at makita sa mga billboards at streamers ang pagbenta sa kanilang sarili para iboto ng taumbayan.
Bentahe nang may kakayahang pinansyal laban sa hindi naman gaanong may kaluwagan, na sumasalamin sa hindi patas na sistema at hindi paborable ang kalalabasan sa walang muwang na mamamayan.
At saan nila babawiin lahat yan? Kung may isponsor man eh anong magiging kapalit niyan kapag naluklok na sila sa katungkulan? Mga desisyong ang kiling ay sa mga nangapital sa kanilang kandidatura?
Kinang rin ba sa kapangyarihang hahawakan at impluwensiyang maaring makamtan kapag nasa posisyon na ang habol ng ilang pulic servants kuno? O talaga bang serbisyong ihahandog sa mga nasasakupan at pagtulong sa talaga namang nangangailangan ang kanilang misyong gagampanan?
Adbokasiya aniyang matatawag sa mga may prinsipyong kandidato at pagiging statesman na estado nang pagkatao, na bihira nang makikita dahil sa mapang-akit na sitwasyong bumubungad sa kanilang harapan at sumisira sa kanilang paninindigan.
Pero ano nga rin ba ang pamantayan sa pagpili ng kandidato na magsisilbi sa bayan?
Sa mga nagnanais pa lamang ng posisyon sa mga lokal na pamahalaan at kandidato sa nasyonal, buti ng kalagayan sa buhay na kanila nang nakamtan para sa sarili at pamilya at solidong plataporma na kayang gawin at magdudulot nang pag-angat ng pamumuhay ng bawat nasasakupan.
Sa reeleksyonista nama’y ano bang mga nagawa na nila noong sila ay nanungkulan at direktang pinakikinabangan na sa kasalukuyan ng mga mamamayan.
At panghuli’y sa mga nagbabalik na politiko na nakatapos na ng kanilang katungkulan. May mga ginawa ba sila para sa kapakanan ng bawat Pilino na tumatak sa kanilang pagseserbisyo?
Sa haba ng kanilang termino, may nakalimutan pa ba silang hindi nagawa at kinakailangan pa nilang ipagpatuloy ang minsan na nilang katungkulan at bakit hindi nila ito nagawa nung sila pa ang nasa poder nang kapangyarihan?
Na sa aking palagay ay mga simpleng pamantayang kung lilimiing mabuti, ay makapagpapabago sa buhay nang mahigit sa 120 milyong Pilipino maging ng ating bansa sa kabuoan.
HAPPY VALENTINE’S DAY po sa lahat!! 224, 444 14344 5254 !!!