Isyu ngayon ang mga inilalaang pondo sa mga Congressman at Senador na ginawang sistema nang kasalukuyang liderato ng Mababa at Mataas na Kapulungan maging ng Malakanyang.
Nandyan ang Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS), Tulong Pangkabuhayan sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD), Medical Assistance for Indigent Fund (MAIF), Ayuda sa Kapos ang Kita Program (AKAP), at Guarantee Letter (GL).
Ang AICS, MAIF, AKAP at GL ay mga programa ng Department of Social Welfare Development (DSWD) para sa mas nangangailangan nating mga kababayan.
Samantalang ang TUPAD ay magkatuwang na programa ng Department of Labor and Employment (DOLE) at DSWD.
Mga programang puwede naman sanang deretso nang ipatupad ng 2 ahensya ng pamahalaan, tutal pondo naman nila ang ibinabahagi sa hikahos na mamamayang Pilipino.
Ayudang inaasam-asam ng bawat benepisyaryong mamamayan sa malaking bahagi at sulok ng ating kapuluan.
Ngunit, bakit may paglalaan pa ng mga pondo sa ating mga pinagpipitagang mambabatas? Hind ba’t ang kanilang katungkulan ay gumawa ng mga batas na makapag-aangat sa kalagayan ng kanilang mga nasasakupan?
Hindi yung pag-angkin sa kredito sa ginawa nilang inisyatiba nang paglalaan ng pondong ipamamahagi sa kanilang mga kababayan at kadistrito.
May isang dating principled uniformed officer pa ngang nagsabi na depende sa pagsama mo sa mga sorties ni House Speaker Romualdez ang ilalaan sa iyong pondo, 777 anang magiting na dating heneral.
“7 milyon na AICS, 7 million na MAIF, at 7 million na TUPAD, 21 million sa kabuoan. Kung naka-4 na sama ka sa lakad ni Speaker, eh 21 times 4 = P84 million bawat Kinatawan,” dagdag pa niya.
2023 SEAL OF CHILD—FRIENDLY LOCAL GOVERNANCE AWARDEES
Binabati po natin ang 6 na lokal na pamahalaan sa lalawigan ng Bulacan na nagkamit ng 2023 Seal of Child-Friendly Governance sa isinagawang Regional Awarding Ceremony nitong Martes, Pebrero 18 sa San Fernando City, Pampanga.
Kabilang rito ang lugar kung saan ipinanganak ang inyong lingkod, ang bayan ng Obando, sinundan ng lunsod ng Malolos at mga bayan ng Bulacan, Guiguinto, Plaridel, at Pulilan.
Bukod sa Mayor at M/CSWD Officer, malaking tulong ang nagagawa ng Municipal/City Local Government Operations Officer o M/CLGOO para makapasa ang isang LGU sa pamantayan ng auditor at assessor at magabayang makamtan ang inaasam asam na kahalintulad na karangalan.
Congratulations po Obando Mayor Leonardo “Ding” Valeda, Malolos City Mayor Christian “Agila” Natividad. Ganoon din po kay Mayor Agay, Mayor Jocell, at Mayor Maritz!!!
Ikinararangal kayo ng inyong mga nasasakupan!!!
- 30 –