StingRay

Bago dumating ang halalan, mapa-local and national elections, maging SK and Barangay Elections, kanya-kanyang survey ang isinasagawa nang magkakatunggaling kandidato sa matataas na posisyon.

Isinasagawa nila ito para masilip kung malakas ba sila sa tao at may tsansang manalo sa ninanais na puwesto sa gobyerno.

Ngunit may mga naglalabasang resulta ng survey na parehong nangunguna ang magkalabang kandidato sa pulso nang nasasakupan.

Alam naman natin na ang resulta ng survey, pinagbabasehan nang karamihang mamamayang Pilipino. Doon sila sa malakas at kumakampi sa mana-nalo, trending ika nga at sabay na sa agos para hindi mapag-iwanan.

Gaya na lang nang tumatakbong Congressman at Mayor sa lalawigan ng Bulacan, na parehong naglabas ng kani-kanilang survey at parehong nanguna sa isinagawang pag-alam sa pulso ng mga Bulakenyong nasasakupan.

Ang isang survey ay nagmula sa  Pulse Asia Research Inc. at ang isa naman ay nagmula naman  sa mismong lokal na pamahalaan na may official seal pa.

Sa nabanggit na sitwasyon, sino ba  dapat  ang paniwalaan sa dalawa? Ang Pulse Asia na kilalang gumagamit ng pamamaraaang non-partisan sa pangangalap ng pulso ng mamamayan pagdating sa pagsa-survey?

O ang huli na ano pa nga ba ang hinihintay nating resulta kundi pabor sa mga kaalyado na kabilang sa kanilang partido.

Ito marahil ang isa sa mga gustong resolbahin ng Comelec kaya kamakailan lamang ay ipinatawag ni Chairman George Garcia sa kanilang tanggapan ang mga grupo o kompanya na may kinalaman sa pagsa-survey?

Dito pinag-usapan kung paaano ireregulate ang mga poll surveys at ang mga panuntunan para makatulong talaga sa botanteng Pinoy maging sa kandidato ang mapagkakatiwalaang resulta na ibinibigay ng methodological na pangangalap ng gusto ng mamamayan.

May mga umaatras pa ngang mga kandidato kapag nakita nilang hindi sila lumalabas sa survey para hindi masayang ang gagastusin sa kampanyahan at mayroon din namang intinutuloy ang kandidatura dahil pumapalo sa survey at nakitang mabango ang kanyang pangalan.

Dapat lang sigurong sundan ang ginagawang hakbang ng Comelec na pagpaparehistro sa kanilang ahensya ang mga poll surveys at pagpapa-accredit  na rin ng mga survey firms at iba pang nagsasagawa nito hanggang sa lebel ng lalawigan , bayan at siyudad.

Para mabantayang maigi ang ginagawa ng mga surveyor na sinusunod ang tamang pamamaraan ng kanilang ginagawa at hindi makapanlinlang para umangat ang pinapaborang ponsyo pilato.

Dinayang proseso para sa pagpapairal ng demokratikong pamamaraan na magreresulta sa hindi magandang panunungkulan nang mapanlamang na nilalang at ang talo ay ang walang muwang at kaawa-awang taumbayan.

  • 30 –