Marami sa mga politiko ang naeenganyo sa kinang ng kapangyarihan, dahilan upang isabak nang sabay sa nasabing larangan ang kanilang mga kamag-anak.
Meron pa nga riyang tapos na sa panunungkulan, ngunit sumabak pa rin sa mababang posisyon at isinabay pa ang asawa o anak sa sinasabi nilang magulong mundo nang politika.
Hindi nga ba’t sa Senado at mga lokal na pamahalaan ay may magkapatid, mag-ina, na nakalusot sa panlasa ng Sambayanang Pilipino? Na bagama’t pangit sa paningin ng iba ay nagiging practice na ng oportunistang lingkod bayan kuno.
Maganda sana kung gagawing halimbawa ang ipinamamalas na pamamaraan sa pagtakbo ni Congressman Salvador “Ka Ador” A. Pleyto.
Tumatakbo muli para sa ikalawang termino si Congressman Pleyto sa ika-6 na distrito ng Bulacan, na kinabibilangan ng mga bayan ng Angat, Santa Maria, at Norzagaray.
Sa kanyang pagtakbo, hindi niya pinapayagan na may sino pa mang kamag-anak niya na tatakbo sa iba pang posisyon kasabay niya.
Para na rin maging focus ang pagbibigay niya ng serbisyo kasama ang kanyang immediate family sa nasasakupang kadistrito.
Iyan ang prinsipyo ng butihing Kinatawan, na may kasamang delikadesa sa kanyang pagkatao.
Hindi katulad ng iba riyan, lahat na ata ng posisyon na puwede nilang lagyan ay pupunan, maipasok lang ang pamilya sa nakita nilang pagkakakitaan.
Kung tapos na ang iyong termino, ok namang ipasa mo sa malapit sa iyo ang katungkulang minsa’y sa iyo ipinagkatiwala ng mamamayan.
Tutal ang botanteng Pilipino naman ang hahatol sa inyong kapalaran.
Nguni’t kung sabay-sabay ang pagtakbo ninyo ng iyong kapamilya, tubuan naman kayo ng kahit na konting delikadesa sa katawan.
Bigyan sana ninyo nang pagkakataon ang iba pang gustong maglingkod sa kanilang sari-sariling pamayanan. Hindi ninyo monopolyo ang kahusayan sa pagseserbisyo at pagpapaunlad ng bayan.
Malay ninyo, higit pa ang kalalabasan nang minamata ninyong kalaban sa paglilingkuran.