StingRay

Nauna na nating binigyang opinyon na isa sa pinakasolusyon sa pagresolba sa palagiang pagbaha sa alin mang panig ng bansa, ay ang paghabol sa mga indibidwal na sangkot sa palpak na proyektong pineste ng korapsyon sa mga nakalipas na taon at nangangailangan ng “political will” mula sa ating Pangulo ng bansa.

Nang sa gayon ay matakot na at magdalawang-isip ang mga nagbabalak muling pagsamantalahan ang proyektong reresolba sa dinaranas nating pagbaha tuwing sasapit ang panahon ng kalamidad.

At dininig agad ng ating Poong Maykapal ang ating inasam-asam, dahil mismong sa Ika-4 na State of the Nation Address o SONA ni Pangulong Bongbong Marcos noong Hulyo 28 ay inihayag niya ang paghabol sa mga nagsamantala sa mga flood control projects ng gobyerno sa nakalipas na 3 taon at pinapapanagot sa kanilang tiwaling gawain.

“Mahiya naman kayo,” anang Pangulo na ang mga tanging nakikinig sa kanyang mga binabanggit ay ang mga mambabatas sa Mababa at Mataas na Kapulungan at mga imbitadong panauhin na karamiha’y politiko, na kung ating susuriing mabuti ay mga personalidad na pinagdaanan ng mga proyektong pangkontrol sa baha.

Masigabong palakpakan mula sa mga Kinatawan ng bawat distrito ng lalawigan, kasama ang mga Senador at politiko, ang natanggap ni PBBM sa kanyang matigas na paghahayag, ngunit lumatay sa kaibuturan ng mga naturang lingkod bayan, hindi man nila amini’y, yan na ang lantarang naging kalakaran.

Ang tanong nga lamang  sa utos ng Pangulo’y kung sino ang magpapatupad? Yung din bang Kagawaran ng Pamahalaan na pinagdaanan ng mga milyon  at bilyong proyekto? 

O mas maganda sigurong 3rd party ang mag-audit at magrekomenda kung ano ang mga dapat gawin sa mga anay na sumisira sa ating lipunang ginagalawan.

Para maiwasan na rin ang pagkukubli at pagdodoktor sa mga dokumento at ebidensyang magtuturo sa mga mapagsamantalang salarin.

At pagkatapos ay balikan din ang mga matagal nang nakalipas na flood control projects at papanagutin din kahit sino pa ang tamaan.

Tutal, napakinabangan na nila ang ganansya mula sa kaban ng bayan at panahon na ngayon nang paghuhukom, malas lang nila at sila ang inabutan.

Rebolusyonaryong hakbang laban sa korapsyon na sinisimulan sa paghabol sa mga korap, gawin nang pamantayan saan mang sulok ng ahensya ng pamahalaan para tunay na pagbabago ang ating masisilip na liwanag sa inilatag na Bagong Pilipinas ng Administrasyong Marcos Jr.

P12 BILYONG PONDO NI SEN. VILLANUEVA

Naging kontrobersyal ang inilaang bilyong pondo para sa Bulakenyong Senador Joel Villanueva sa tumataginting na halagang P12 bilyon at 19 bilyong piso naman para kay Senate President Chiz Escudero.

Napaulat na kasama sa kabuuang humigit sa P142 bilyong budget insertions sa Pambansang Badyet ngayong taon sa pamamagitan ng bicam hearing, na tikom ang bibig ng huli at ibinulgar ng mga hindi pabor sa pagtimon ni Sen. Chiz sa impeachment proceedings ni VP Sara Duterte.

Sa ganang akin at mga kababaayan kong Bulakenyo, pabor sa probinsiya ng Bulacan ang inilaang pondo para kay Sen. Villanueva.

Mapagtutuunan talaga nang pansin ang mga proyektong reresolba nang totohanan sa ilang dekada nang problema sa baha sa makasaysayang lalawigan.

Makatutulong nang malaki sa 4 na siyudad at 20 munisipalidad maging sa kapitolyo ng Bulacan ang anumang pondo at proyekto na nakapaloob sa  pondo ng Bulakenyong Senador.

Huwag na nga lang sanang mabahidan muli ng korapsyon ang mga nakaplanong proyekto dahil mismong si Sen. Villanueva at amang si CIBAC Party-list Cong. Bro. Eddie Villanueva ang tumuligsa sa kanilang mga Kapulungang kinaaniban, sa mga nagdaang pondo nang hindi naging epektibong flood control projects.

At huwag ding magamit sa pamomolitika ni Senador Joel dahil balita na sa buong Bulacan ang pagtakbo niya bilang gobernador ng lalawigan sa susunod na halalan.

 ###