Papalapit na naman ang halalan, marami na namang doon sa inyo’y naglisawan at nag-aalok ng kanilang serbisyo para paglingkuran kuno ang mga nasasakupan.
Na para ba gang manliligaw, na lahat nang panunuyo ay ginagawa makamtan lang ang botong inaasam asam.
Meron pa ngang pakuwela ang taktika na kahit hindi marunong kumanta at sumayaw ay pilit na nagkukusa para mapansin nang nililiyag na taumbayan.
Ngunit ano nga ba talaga ang tunay na diwa nang paglilingkod na dapat ialay sa bayan?
Sapat na ba ang pangunahing pangangailangan at serbisyong ramdam ng karamihang mamamayan ang dapat pag-ukulan nang mga pinalad na maging lingkod bayan?
O ang tapat na paglilingkod na walang bahid nang anumang kurapsyon o katiwalian sa mga programa’t proyekto na sa kanyang poder dumadaan?
Ilan sa mg aspetong dapat pagbasihan para makamit nang isang serbisyo publiko ang makatotohanang titulong lingkod bayan.
Isama na riyan ang mga lahat ng klase ng iligal na bumabandera sa kanilang tinatawag na area of responsibility.
Kung tapat na public servant ang mga nakaupo sa kapangyarihan, walang maglalakas loob na gumawa nang katarantaduhan sa lugar na kanilang pinagseserbisyuhan.
Mapa-politiko, pulis, at mga opisyal ng Kagawaran ng Pamahalaan, kung nagkakaisa at maayos ang koordinasyon sa bawa’t isa, walang magsusuluputan na mga nagpapalusot ng mga gawaing ang bayan ang talunan.
Pairalin ang command responsibility sa pinakamataas na pinuno at one strike policy sa mga subordinates para sipagan at gampanang mabuti ang katungkulang ipinagkatiwala sa kanila ng masang Pilipino para sa karangalan ng Inang Bayan.
Sino pa ang makalulusot sa pagpapairal nang kamay na bakal ngunit makatuwirang solusyon para masawata ang anay na sumisira sa ating lipunan?
Kung meron man, patawan nang kaukulang parusa at panagutin sa batas na kanilang nilabag para sa pansariling kapakinabangan.
Alam din natin na malaki ang sahod ng mga politiko kaya naeenganyo ang ilan at ginagawang hanapbuhay ang politika lalo na sa municipal at barangay level.
Kung talagang tunay na paglilingkod ang inyong pinagwawagaywayan, may makagawa kayang huwag kunin sa kaban ng bayan ang suweldo na sa kanya’y inilaan?
O kaya’y ilaan ang kabuoang halaga sa adbokasiyang makababawas sa napakaraming pangangailangan nang nasasakupan.
Hindi pangkaraniwang hakbang na sa aking palagay ay makagbibigay ng kahulugan sa tunay na paglilingkod na alay sa Diyos at bayan.
Mauunang lingkod bayan na sumimpatiya at manguna ay may kaukulang gantimpala sa Kaitaas-taasan.