Nagkaroon ng bihirang pagkakataon si StingRay na mapasama sa 19 na mga mamamahayag sa Luzon na bumisita at nag-obserba sa kalagayang politikal at otonomiya, relihiyon, kultura, tradisyon, at mapayapang sitwasyon sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao o BARMM, na ngayo’y nasa ika-6 na taon na nang pagkakatatag.
May halong takot at pangamba ang aking unang naramdaman lalo pa’t unang biyahe ko pa lamang sa Mindanao. Alam naman natin ang mga naibabalita sa Mindanao, maging sa mga pelikula na ating napapanood tungkol sa lupang pangako.
Nanariwa sa aking ala-ala ang kinatatakutang Abu Sayyaf, Maguindanao Massacre, SAF-44 Mamasapano Encounter at giyera sa pagitan ng MILF at ng pamahalaan.
Nguni’t nabago ang aking pananaw nang personal na masaksihan at malaman ang ginawa at ginagawa pang hakbang ng mga namumuno sa rehiyon ng mga Pilipinong Muslim at mga Pilipinong Kristiyanong magkasamang magkakasalamuha nang mapayapa at nananahan doon.
Hindi na magulo tulad noon, kundi matiwasay na, dahil mayroon nang mga namumuno o otoridad na nagpapatupad at patuloy na nagaadbokasiya na panatilihin at pahalagahan ang kapayapaang nakamtan, na ipinaglaban nila sa mahabang panahon.
Isolated case na lamang ang mga nangyaring engkuwentro sa Sumisip, Basilan sa pagitan ng 2 panig, araw lang ang nakakaraan nang kami ay lumapag noong Enero 23 sa Cotobato City, Maguindanao Del Norte, kung saan 4 ang nasawi at 12 ang nasugatan, na ang tanging ugat ay kawalan ng koordinasyon mula sa gobyerno sa namumuno sa rehiyon, na paglabag sa nilagdaang Comprehensive Agreement on the Bangsamoro (CAB).
Gaya na rin ng SAF-44 Mamasapano Encounter, na dapat sana’y inaalala din ang 17 buhay ng MILF at 5 sibilyan. Sa kabuoang 66 na Pilipinong nasawi sa madugong labanang kawalan ng koordinasyon din ang mitsa nang labanan.
Kung may koordinasyon lamang bago isagawa ang operasyon, di sin sana’y maiiwasan ang bakbakan at magkakatulungan ang magkabilang panig.
Liban na lamang kung walang pagtitiwala ang gobyerno sa MILF, na baka masunog ang operasyon ng militar at makatakas ang tinatarget na subject.
Na hindi balidong rason para hindi makipagkoordinasyon dahil iyan naman ang kasamang pinagkasunduan at nilagdaan ng bawat panig.
Kahit simpleng text lang na koordinasyon, may Coordinating Committee on the Cessations of Hositilities (CCCH) naman, ayon sa ranking official ng MILF at maiiwasan na ang magkalabanan sa mga lugar na nasasakop ng BARMM at baluwarte ng mga Moro.
Kailangan din na magkatuwang ang pagbuwag ng mga naidentify na private armed groups sa rehiyon, hindi unilateral disbandment mula sa Pamahalaaang Nasyonal, dahil regular program na nila yun, ayon kay BARMM Planning and Development Authority Director General Mohajirin Ali.
Rido na lamang o labanan sa pagmamay-ari ng lupa ng mga magkakamag-anak ang nagiging dahilan nang kaguluhan sa rehiyon, na kaya namang solusyonan ng mga lokal na pamahalaan nang nakasasakop na lugar.
Ang BARMM ang nag-iisang autonomous region na nabuo mula sa Usapang Pangkapayapaan sa pagitan ng National Government at Moro Islamic Liberation Front o MILF, kung saan naisabatas ang Bangsamoro Organic Law o R.A. 11054 taong 2018.
Nag-iisang rehiyon din ang BARMM na Parliamentary System of Governance ang umiiral, na nakabase sa Bangsamoro Government Center (BGC), Cotobato City sa Maguindanao Del Norte at pinamumunuan nina Chief Minister Ahod Balawag Ebrahim at Parliament Speaker Atty. Pangalian Balindong.
Napanatiling kasama sa BARMM ang 5 probinsiya na dating kasama sa Autonomous Region in Muslim Mindanao o ARMM, na kinabibilangang ng mga lalawigan ng Maguindanao, Lanao Del Sur, Basilan, Sulu, at Tawi-Tawi.
3 siyudad din ang nakapaloob sa Bangsamoro Region na kinabibilangan ng Cotobato City sa Maguindanao Del Norte,, Lamitan City sa Basilan, at Marawi City sa Lanao Del Sur.
Nahati naman sa 2 probinsiya na Del Sur at Del Norte ang Maguindanao kasunod ng plebesito noong Setyembre 17, 2022 na niratipikahan bilang Republic Act No. 11550.