Nagkaroon po si StingRay ng pagkakataon na pamahalaan ang Media vs Kosa 9 Balls Billiards Tournament bilang Project Director na proyekto ng Camp Olivas PNP Press Corps sa pakikipagtulungan ng Pampanga Provincial Jail.
Maglalaban laban ng 9 balls billiard game ang ilang mga mamamahayag at mga persons deprived of liberty o PDL ng Provincial Jail para magtanghal ng kampeon at 1st runner-up sa Class A at Class B category.
Kauna-unahan ang naiibang proyekto na ang layunin ay para ipakita ang kahanga-hangang talento at sportsmanship ng lahat ng kalahok at para pasiglahin na rin ang mga PDL at ang mga kapwa media players, magkaroon ng masayang pagsasama-sama, at magdala ng kagalakan at pagkakaisa sa Pasko.
Gaganapin ang Championship match ng 2 kategorya sa Disyembre 19 sa ganap na ika-1 ng hapon sa Panlalawigang Piitan ng Pampanga sa San Fernando City.
Bago nito, nauna nang naglaban-laban sa eliminations round ang mga media players nitong Disyembre 16 sa Karambola Sports Bar sa Bulacan at ang itinanghal na Top 2 players ang siyang lalaban sa nanguna sa Class A at Class B na mga PDL.
Inaasahang magiging exciting ang championship games sa pagdating na rin ni Billiards World Champion Efren “Bata” Reyes, na magpapakita ng exhibition game para sa ikasisiya ng mga PDLS, media, kawani ng piitan, at mga piling panauhin.
Kasarapan sa pagiging kawani ng pamahalaan
Inaprobahan na ni Pangulong Bongbong, ilang araw pa lang ang nakalilipas, ang pagrerelease ng P20,000 na service recognition incentive o SRI sa lahat ng kawani ng pamahalaan kasama na ang mga contractual at casual.
Bukod pa riyan ang 13th month bonus tuwing Kapaskuhan at mid-year bonus na inilalaan ng karamihang government employee para sa enrollment ng kanilang mga anak.
Nakatikim na rin si StingRay ng mga ganitong extra cash nang maging bahagi ng isang lokal na pamahalaan sa loob ng 5 taon.
Pero hindi naman sa pagiging Grinch, na dating nakilala bilang negatibong nilalang sa Panahanon ng Kapaskuhan, makatarungan ba ang paglalaan ng mga additional incentives ang mga may regular nang kita bilang empleyado ng gobyerno?
Mayroon pang isa na performance base bonus, na di na siguro dapat ibinibigay dahil bilang kawani ng pamahalaan ay inaasahan naman talaga sa kanila ang magtrabaho nang magaling at maayos kundi man sapat.
Yung mga pondo sa mga bonuses na extra nang masasabi, dapat siguro ay mapunta sa hindi pinalad na mamayang Pilipino sa pamamagitan ng serbisyo o karagdagang pinansyal na tulong para sa talaga namang nangangailangan.
Nakita naman natin ang magagarbong aktibidad ng bawat ahensya ng pamahalaan kasama riyan ang karamihang mga local government units na puro class na hotel pa ang pinagdarausan ng mga seminars at iba pang kaganapan.
Puwede kayang sa lugar na lang ng bawat lokal na pamahalaan gawin ang kanilang mga aktibidad, na dati ng ipinatupad sa pamahalaan. Makatutulong pa yan sa kanilang turismo at ekonomiya.
May nagsabi pa ngang chief executive ng isang lgu, masarap pala sa gobyerno, lahat libre at may pang gastos pa.
- 30 –