Masarap mabuhay nang walang iniindang problema.
Mas lalong masarap mabuhay matapos kang makalutas nang kinakaharap na problema.
Ngunit may mga tao bang walang problema o sigalot?
Mahirap man o may kaya sa buhay, tiyak may daranasing gusot na kailangan niyang lampasan para sa ikakapanatag ng kanyang pamumuhay.
Mas mayaman, mas malaki ang pasaning maaring pagdaanan base na rin sa estado nila sa lipunang ginagalawan.
Kaya minsan, simpleng buhay lang ay sapat na. Simpleng buhay, simpleng problema lang na kailangang lutasin.
Ano nga ba ang dahilan ng mga problema, na humahantong kadalasan sa hindi magandang resulta?
Sa aking pananaw, miscommunication ang isa sa ugat nang karamihang sigalot sa pagitan ng dalawa o higit pang panig.
Nasabi mo na ba sa iyong kausap na bakit hindi mo sinabi o bakit ngayon mo lang sinabi?
Na ang akala mo ay pumasok sa komprehensyon ng iyong kaharap ang iyong mga tinuran, na sa sandaling iyon pala’y may ibang nakaokupa sa kanyang kaisipan.
Mas makabubuti minsan ang konting pangungulit para alam mong sigurado kayong nagkakaintindihan sa bawat puntong gustong niyong ihayag sa bawat isa.
At magreresulta sa plantsadong pagpaplano, na ang lahat nang kakaharaping sitwasyon ay may mga katapat na proseso para sa isang maayos na gawain.
Isa pang halimbawa ang hindi pagkakaunawaan ng dalawang partido dahil sa pakikialam o intriga ng isa pang partido, na ang tanging dulot nang huli’y kaguluhan.
Mas makabubuti kung pag-usapan din sa isang harapan ang anumang isyu na ibinabato nang nanggugulong panig.
Ang hindi pagtalakay dito ay hahantong sa hindi pagkakaunawaan at bubuo sa konklusyon at sariling mga haka-haka ng bawat isa na ikasisira nang magandang samahang inalagaan sa mahabang panahon.
Madali lamang tandaan, communicaton ang solusyon sa miscommunication na ugat ng karamihang problema.
Ano po sa palagay ninyo?