Taun-taon na lang, patindi nang patindi ang naranasan nating pagbaha dulot ng mga nagdaraang bagyo na nadadalas ding sinasabayan ng Habagat.
Na ang agarang tulong na nagagawa ng bawat lokal na pamahalaan maging ng nasyonal ay maghatid ng mga relief goods sa mga apektadong pamilyang inilikas at pansamantalang nananahan sa mga evacuation centers at lubog na kabahayan.
Pre-position na kagamitan para sa disaster -stricken areas na nangangailangan ng ibayong pag-iingat at pantawid gutom ng kani-kanilang residente ang sanay na sanay nang ipatupad ng bawat lokal na pamahalaan.
Ngunit bilyong pisong flood control projects ang malinaw pa sa sikat ng araw, ang hindi naging epektibo at sa bibig nang magiting na Bulakenyong Senador na si Sen. Joel Villanueva nanggaling kaisa ang kanyang amang si CIBAC Party-list Congressman Bro. Eddie, na 1.4 billion a day ang inilaan ng Kongreso, Senado at Pamahalaang Nasyunal para resolbahin ang pagbaha sa buong bansa.
Privilege speech nilang pinagsigawan sa loob ng bawat kapulungang kinabibilangan, patungkol sa malaking pondong inilaan sa mga flood control projects na nauwi sa kawalan.
Sinundan pa nang pahayag ni Sen. Panfilo Lacson, na 2 trilyon sa nakalipas na 15 taon ang nailaan ng gobyerno sa pagkontrol sa baha, ngunit hindi pa rin natin nakita ang bisa nang ginawa ng mga (I)responsableng ahensya.
Mismong si Pangulong Bongbong pa nga ang nagsabi na iyan na ang bagong normal pagdating sa kalagayan natin sa mga hinaharap na kalamidad, na pangit ang naging dating at panlasa sa karamihan nating mga kababayan.
Kawalan nang pag-asa mula sa pinakamataas na opisyal ng ating bansa, salungat sa dapat sana’y positibo at maenganyong pagsasalita para makitaan man lamang nang pag-asa kahit konti na may nakaplanong konkretong solusyon laban sa pagbaha ang kanyang administrasyon.
Mga flood control projects na ginawa sa mahabang panahon, na isa sa naging source
ng korapsyon ayon sa sikat na Urban Planner Architect Jun Palafox.
Sa kasalukuyang ay may komprehensibo namang solusyong nakalatag na inaprobahan ng bawat Kagawaran ng Pamahalaan, matuwid na implementasyon lamang ang kailangan at walang bahid ng korapsyon sa mga proyekto, na pagtutuunan ni Sen. Villanueva nang pansin lalo pa’t siya ang isa sa malaking napaglaanan ng budget ng gobyerno sa tumataginting na 12 bilyong piso.
Pagbabantay sa kaban ng bayan sa mga proyekto ng lokal at nasyonal na pamahalaan at pagseseguro na walang tiwaling opisyal at kawani ng gobyerno na magsasamantala sa inilaang pondo rito.
Sabayan pa nang paghabol sa mga individwal na sangkot sa palpak na proyektong pineste ng korapsyon ng mga nakalipas na taon at nangangailangan ng political will mula sa ating Pangulo ng bansa.
Tindihan ang panawagan mula sa mga civil society organizations sa pagtunton sa mga mapapatunayang involve sa korapsyon, para mapilitan ang kasalukuyang Administrasyong Marcos na pairalin ang kamay na bakal kesehodang sino pa ang tamaan.
Isulong natin ang mapayapang rebolusyon sa paglaban sa Korapsyon na inumpisahan na ng Citizens’ Battle Against Corruption at pinangungunahan ng isang magiting na Bulakenyo, para mapanagot at maparusahan ang mga anay ng lipunang sumisira sa ating bayan.
At nagdadala sa ating sa malalang sitwasyong maiiwasan naman kung naipatupad lang ng tama ang mga dapat ipatupad. ###
Editor’s note: Column submitted before PBBM’s 4th SONA