StingRay Ni Harold T. Raymundo

PAGSILANG NG STINGRAY SA MABUHAY

Unang labas ng kolum na StingRay sa lingguhang pahayagan na ito.

Ang Pahayagang Mabuhay na mula pa taong 1980 ay nagbabahagi na ng impormasyon at makabuluhang opinyon para sa mga Bulakenyo.

Naging inspirasyon ng StingRay ang isa sa mga naging pundasyon ng dyaryong ito  walang iba kung hindi ang aking ama, si Perfecto V. Raymundo Sr., na nasa piling na ng Dakilang Lumikha, at siya ring may akda ng pitak na Buntot Page noon.

Kung ano ang puno ay siyang bunga, kasabihang Tagalog na minsan pa’y nagkatotoo sa pagsilang ng StingRay sa Pahayagang Mabuhay ng Bulacan.

Buntot Page noon, StingRay ngayon. Ang page na lalatay sa gumagawa ng kabulastugan at hahaplos sa mga gumagawa ng kabutihan para sa nasasakupang mamamayan.

At pagkakataon nga naman, katatapos lamang ng pag-alala sa Ika-172 Guning Taon ng Kaaarawan ni Gat. Marcelo H. Del Pilar nitong Martes, Agosto 30, na kilala rin bilang si Plaridel, kung saan binigyang pagkilala ang mga naimbag nito sa larangan ng pamamahayag sa buong kapuluan.

Masundan nawa ng inyong lingkod ang matagal nang nakaatang sa balikat ng mga Plaridel ng lalawigan.

PISTA NG SINGKABAN 2022

Ipagdiriwang ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan ngayong buwan ng Setyembre ang taunang Pista ng Singkaban.

Ang Singkaban o ang Sining at Kalinangan ng Bulacan ang tinaguriang “The Mother of all Fiestas” sa buong Lalawigan ng Bulacan, na opisyal na magsisimula sa Setyembre 8 at magtatapos ng Setyembre 15.

Inaasahang magiging hitik sa mga aktibidad ang isang linggong kapistahan ng Singkaban na pangangasiwaan ng Provincial History, Arts, Culture and Tourism Office o PHACTO sa pamumuno ni Dr. Eliseo Dela Cruz.

Lalo pa at nagbabalik face to face na ang mga dadalo rito at sa kauna-unahang pagkakataon, personal na naimbitahan ni Gobernador Daniel R. Fernando na dumalo sa pagbubukas ng Singkaban,  ang mga Bulakenyong mamamahayag nitong Martes, Agosto 30 nang magbigay ng kanyang mensahe ang gobernador sa Paggunita ng Ika-172 Guning Taon ng Kaarawan ni Gat. Marcelo Del Pilar.

Ganyan pinahahalagahan ni Gob. Daniel ang mga mamamahayag na isinasagawa ang prinsipyo at isinasabuhay ang propesyon ng tinaguriang Dakilang Propagandista at Ama ng Pamamahayag sa buong bansa.

Salamat Gob. sa makatuwirang pagtrato sa ginagampanang papel nang itinuturing na Ika-4 na estado ng ating lipunan.

POSITIBONG EPEKTO NG MGA “BER MONTH” SA MGA PILIPINO

Buwan na ng Setyembre at umpisa na naman ng tinatawag nating mga  “BER  MONTH” sa ating bansa.

May dalang inspirasyon sa ating mga Pilipino ang pagpatak ng mga buwan ng SeptemBER, OctoBER, NovemBER at DecemBER sa kalendaryo ng mamamayang Pilipino.

May sigla sa bawat isa sa paparating na rurok ng mga panahong ito, ang pagdiriwang ng araw ng pagsilang ng Dakilang Manunubos o ang tinatawag nating Pasko.

Kilala na ang ating bansa sa may pinakamatagal na panahon ng Kapaskuhan sa buong mundo.

Na may dulot na positibong epekto hindi lamang sa emosyonal na aspeto kung hindi pati na rin sa pisikal na gawain nating mga Pilipino.

Bayaan po ninyong mauna na kong bumati sa inyo ng isang Maligayang Pasko mga kapwa ko Bulakenyo!