Sen. Bong Go Idineklarang adopted son ng Plaridel
BAYAN NG PLARIDEL, Bulacan – Pinangunahan ni Senador Christopher Lawrence “Bong” T. Go ang pagpapasinaya sa Plaridel Super Health Center o SHC, Rural Health Unit V nitong Lunes, Enero 6 sa Brgy. Sto. Nino ng bayan na ito.
Isa sa mga naging prayoridad ni Sen. Bong Go bilang tagapangulo ng Komite ng Kalusugan sa Mataas na Kapulungan ang pagpapatayo ng nasabing pagamutan at aabot sa kabuuang 700 Super Health Center sa buong bansa, kung saan 18 rito ang nasa lalawigan ng Bulacan.
Kasama rin sa prayoridad ni Sen. Go ang mga Malasakit Centers na 166 na sa buong kapuluan at 4 na sa Bulacan na matatagpuan sa Lunsod ng San Jose del Monte, Bulacan Medical Center sa Lunsod ng Malolos, Joni Villanueva General Hospital sa bayan ng Bocaue, at Rogaciano Mercado Memorial Hospital sa bayan ng Santa Maria.
Bukod pa rito ang Regional Specialty Center na maglalapit sa serbisyo-medikal na inaalok ng National Kidney Istitute, Phlippine Heart Center, at Lungs Center, na isusulong din ng Senador na magkaroon ang Bulacan partikular sa Joni Villanueva dahil sa pagiging General Hospital nito.
Nais ding tiyakin ni Sen. Go na maayos ang implementasyon nang pagpapatayo ng mga Super Health Center sa bansa kaya tinututukan niyang maigi ang mga itinatayong pasilidad para sa mamamayang Pilipino.
Kabilang sa mga serbisyong iniaalok dito ang libreng konsultasyon, panganganak, mga laborotaryo gaya ng X-Ray at ultrasound, pharmacy services, ambulatory surgical units at iba pa.
Matapos namang mabasbasan ng pari at pasinayaan ang nasabing Super Health Center, ininspeksyon ni Senador Go ang buong pasilidad kasama sina Senatoriable Phillip Salvador, Congressman Tina Pancho ng ika-2 Distrito ng Bulacan, Mayor Jocell Vistan-Casaje, at Department of Health Bulacan Head Dr. Emily Paulino at nai-turnover agad sa Pamahalaang Bayan ng Plaridel ang pagpapatakbo nito.
Ibinilin din ni Go sa pamunuan ng bagong pagamutan na ipa-accredit ito sa Konsulta o PhilHealth Konsultasyong Sulit Tama, na isang komprehensibong outpatient benefits na ipinag-uutos ng Univeral Health Care Law, dahil ang lahat ng Pilipino ay miyembro ng PhilHealth at pondo ng tao ang pinanggagalingan nito.
“Hindi negosyo ang PhilHealth, pera ng tao yan, insurance yan para pag nagkasakit tayo, meron tayong pambayad,’ dagdag pa ng Senador.
“Sa 11 hearing na isinagawa ko sa Senado, nadiskubre ko na sobra ang pondo ng PhilHealth, kaya nangako sila na tataasan ang dental services, tataasan lahat ng medical packages, gaya ng pneumonia, dialysis at heart diseases,” pagtatapos ni Sen. Go.
Nakiisa rin kay Senador Bong Go sa pagpapasinaya ng Plaridel Super Health Center sina Vice Mayor Lorie Vinta, mga kasapi ng Sangguniang Bayan ng Plaridel, kapitan at Sangguniang Kabataan ng bawat barangay, municipal at barangay health workers, mother leaders, at mga nutrition scholars at agad na tumulak sa Municipal Covered Court para sa pamamahagi naman ng tulong pinansyal at grocery packs sa mas nangangailangang Plaridelenyo.
Bago nito, sinimulan ng butihing mambabatas ang kanyang feeding initiative sa mga pasyente at kanilang mga bantay sa Joni Villanueva General Hospital sa Brgy. Igulot sa bayan ng Bocaue. – Ni Harold T. Raymundo