CAMP OLIVAS, CITY OF SAN FERNANDO, Pampanga – Pormal nang binuksan ang SWAT Fit Tactical Game 2 sa Police Regional Office (PRO3) ngayong Biyernes Enero 3 at tatagal hanggang Linggo, Enero 5. Kalahok ang mga SWAT teams mula sa iba’t ibang Provincial at City Police Stations ng rehiyon, kasama ang Quezon City Police District (QCPD).
Ang kompetisyon ay isinagawa sa pakikipagtulungan ng PRO3 sa Pragmax, sa pangunguna ng kanilang CEO na si Ms. Marjorie Velarde. Layunin ng aktibidad na ito na higit pang paigtingin ang taktikal na kakayahan, pisikal na katatagan, at mental na disiplina ng mga Special Weapons and Tactics (SWAT) units sa rehiyon.
Sa loob ng tatlong araw, sasabak ang mga kalahok sa iba’t ibang hamon at senaryong idinisenyo upang masukat ang kanilang kahusayan at kahandaan sa pagsugpo ng high-risk na operasyon. Bukod dito, ang SWAT Fit Tactical Game 2 ay naglalayon ding palakasin ang kooperasyon at pagpapalitan ng kaalaman sa pagitan ng mga SWAT teams.
Ayon kay PRO3 Regional Director PBGen. Redrico A. Maranan, “Ang SWAT Fit Tactical Game ay isang mahalagang pagkakataon para sa ating mga SWAT units upang higit pang mapaunlad ang kanilang kasanayan. Sa tulong ng ating mga kaalyado tulad ng Pragmax, nais nating tiyakin na ang bawat miyembro ng SWAT ay handang tumugon sa anumang hamon para sa kapayapaan at seguridad ng ating komunidad.”
Bukod sa pagpapahusay ng taktikal na kakayahan, ang aktibidad na ito ay bahagi rin ng paghahanda ng PRO3 sa darating na halalan. Ang pagpapanatili ng kaayusan at seguridad sa panahon ng eleksyon ay isa sa mga pangunahing layunin ng kompetisyon, upang matiyak na ang ating SWAT teams ay handang tumugon sa anumang sitwasyong maaaring mangyari.
Sa pagtatapos ng aktibidad, magbibigay ng parangal sa mga natatanging koponan na magpapakita ng kahusayan sa bawat hamon. Ang ganitong mga inisyatibo ay patuloy na tinututukan ng PRO3 upang higit na mapalakas ang kapasidad ng mga pulis sa rehiyon at maitaguyod ang propesyonalismo sa serbisyo.