LUNSOD NG MALOLOS, Bulacan – Binilinan ni Department of Science and Technology (DOST) Secretary Renato Solidum Jr. ang mga imbentor at mananaliksik, na tiyaking makikinabang din ang karaniwang mga mamamayan mula sa kanilang mga likha.
Sa ginawang inspeksiyon ng kalihim sa resulta ng mga research and development sa Bulacan State University (BulSU), sinabi nitong bukod sa pagkakaroon ng kita ang matatagumpay na mananaliksik at imbentor, kailangang makinabang din ang bulsa at puso ng ibang tao.
Ito aniya ang lilikha ng yaman para sa mga MSMEs sa pamamagitan ng epektibong paggamit ng mga naimbento sa larangan ng agham at teknolohiya. Gayundin ang pagkakaroon ng oportunidad upang maitaas ang antas ng pamumuhay ng karaniwang Pilipino.
Aabot sa P27 milyon ang halaga na naitulong ng DOST sa iba’t ibang research and development ng pamantasan sa nakalipas na halos limang taon.
Sa loob ng halagang ito, pinakamalaki ang P10 milyon na ipinagkaloob ng DOST sa pagbubuo ng B.A.R.A.S. Technology Business Incubation (TBI). Ito ay nakatutok sa Business Assistance for Research Acceleration and Sustainability upang magsulong ng inobasyon at technopreneurship sa paglikha ng kabuhayang makakatulong sa lalong pag-unlad ng bansa.
Natulungan nito ang mga technopreneur gaya ng SENTRiFY na isang Smart Devices and Intelligent Machines Development na nag-aalok ng mga serbisyo gaya ng Research Arm for Hire, Technical Consultations, Product Design, Smart Device Development, Al System Development at Mobile Robot Development.
Gayundin ang Hive Energy PH na lumilikha ng mga kasangkapan na may kinalaman sa Solar Energy.
Ang DyipPay naman ay isang Digital App na kapwa pakikinabangan ng mga pasahero, tsuper at operator. Bukod sa cashless na pagbabayad ng pamasahe, isa rin itong intelligent fleet dispatching system.
Mababantayan din nito kung nasaang lugar na ang bumibiyaheng pampubliking sasakyan upang matiyak ang real time na pag-alis at pagdating nito sa terminal. Maaari namang magpadala ng feedback report ang mga pasahero sa anumang magiging karanasan nila habang nakasakay o bumibiyahe.
Tig-P5 milyon ang i-DRIP o Iot-based Dispenser for Real-Time Intelligent Pour at ang IoTRILS o ang Internet of Things Research and Innovation Laboratory for Smart Cities.
Ang i-DRIP ay nagsusulong na mabawasan ang paggamit ng single-use plastic containers. Sinuportahan ito ng Collaborative Research and Development to Leverage Philippine Economy o CRADLE Program ng DOST.
Habang ang IoTRILS ay target na makagawa ng isang one-stop shop sa paggawa ng design, creation, test, deployment at incubation commercialization. Nag-aalok din ito ng pick-and-place machines, soldering tools, CNC equipment at 3D printers para sa pangangailangan sa operasyon ng mga pamahalaang lokal.
May P3 milyon naman ang ibinigay ng DOST para sa branding ng BulSU para sa Regional Inclusive Innovation Centers (RIIC). Tinatawag itong THRIVE Central Luzon o Technological Hive of Regional Innovation for a Vibrant Ecosystem.
Isa itong data base upang makatulong sa mga micro, small and medium enterprises (MSMEs) sa pamamagitan ng pag-uugnay sa kanila sa mga higher education institutions, academic researchers, negosyo centers, shared-service facilities, research and development facilities, business menteros at iba pang industriya.
Bahagi nito ang pagbubukas ng Food Innovation Center na direktang tumutulong para maiangat ang antas ng kalidad ng mga produktong pagkain na likha ng mga MSMEs.
Nasa P2 milyon ang para sa Sulong Central Luzon na isang consortium na tumutulong sa mga Start-Ups upang ganap na maitatag ang isang partikular na negosyo sa pamamagitan ng epektibong kolaborasyon.
Habang may hiwalay na P2 milyon para sa Leading the Academe in Utilizing Intellectual Property-Technology Transfer for Universities o LAUIN TTUSO na umaagapay sa mga Start-Ups na makakuha ng intellectual property mula sa generation, protection, exploration, commercialization at utilization.
Kaugnay nito, sinabi ni Dr. Cecilia N. Gascon, pangulo ng BulSU, na patunay ang mga resulta ng research and development na sumusulong na ang pamantasan sa larangang ito. Bahagi rin aniya ito ng mga inisyatibo sa kaganapan ng pagiging bahagi ng RIIC sa gitnang Luzon.
Samantala, ibinalita naman ni Secretary Solidum na naglaan ang DOST ng halagang P3 bilyon mula sa Pambansang Badyet ng 2023 upang suportahan ng iba’t ibang research and development initiatives. — Shane F. Velasco/PIA-3/BULACAN