Ibinida ang ika-8 SGLG award ng Bulacan
LUNSOD NG MALOLOS, Bulacan – Binibigyang diin ang walang patid na dedikasyon ng lalawigan sa kahusayan at mabuting pamamahala, ipinagmalaki ni Gobernador Daniel R. Fernando ang ika-8 beses na pagpasa ng Bulacan sa Seal of Good Local Governance ng Department of the Interior and Local Government o DILG sa Pamaskong Pagdiriwang at Ulat sa Lalawigan 2024 noong Miyerkules, Disyembre 11, na ginanap sa Bulacan Capitol Gymnasium dito
Sa pangunguna nina Gob. Fernando at Bise Gobernador Alex C. Castro, tinanggap ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan ang prestihiyosong parangal noong Martes, Disyembre 10, sa Manila Hotel.
Nauna nang inilabas ng DILG ang listahan ng mga nakapasa noong Nobyembre 14 kabilang ang mga Lunsod ng Baliwag, Malolos, Meycauayan, at San Jose del Monte, at mga bayan ng Angat, Balagtas, Bulakan, Bustos, Doña Remedios Trinidad, Guiguinto, Marilao, Pandi, Paombong, Plaridel, Pulilan, San Ildefonso, at Santa Maria.
Ipinabatid naman ni Fernando sa mga dumalong opisyal at miyembro ng mga Sangguniang Barangay mula sa Unang Distrito kabilang ang mga bayan ng Paombong, Pulilan, Bulakan, Calumpit, Hagonoy, at Lunsod ng Malolos na bahagi sila ng tagumpay na ito at hindi ito magiging posible kung wala sila.
“Lahat kayo, hindi po namin ‘yan mabubuo without you. Pinagtulung-tulungan po natin lahat ito. ‘Wag ninyong isipin na sa amin lang ito. Tayong lahat ay bahagi ng SGLG na iyan. ‘Yang walong sunud-sunod na ‘yan ay kabahagi ang mga kapitan sa buong lalawigan ng Bulacan,” aniya.
Dagdag naman ni Castro, ito ay resulta rin ng tuluy-tuloy na pagkakaisa ng Pamahalaang Panlalawigan para sa mga Bulakenyo at iginiit ang mga posibleng epekto ng hidwaan sa pagitan ng mga pinuno sa kanilang mga nasasakupan.
“Kapag nag-aaway-away ang mga lider, sino ba ang naaapektuhan? Ang taumbayan. Kayong mga nasa baranggay. Sino ang naiipit? ‘Yung mga nasa barangay. Kaya kung sa ibang bayan ang mayor at vice mayor ay magkaaway na, dito po sa Provincial Government si Daniel Fernando at Alex Castro patuloy pong nagkakaisa para sa buong lalawigan ng Bulacan,” ani Castro.
Bukod dito, ibinida rin ni Fernando sa kanyang year-end accomplishment report ang tagumpay ng kanyang The People’s Agenda 10 kung saan kabilang dito ang pagtatayo ng dalawang quarantine facility at ang Bulacan Infection Control Center bilang epektibong tugon sa kasagsagan ng COVID-19; probisyon ng mga bagong ambulansya at ibang medikal na pasilidad; at ang pagbuo ng Department of Ophthalmology at Visual Sciences para sa Kalusugan Para Sa Lahat na adyenda.
Para sa Mataas na Kalidad ng Edukasyon, nakapagprodyus ang Tulong Pang-Edukasyon Para sa Bulakenyo Scholars ng 88,128 na iskolar na katumbas ng P285,936,929; nakapagtayo rin ng 171 gusali ng mga paaralan na mayroong 685 na silid na may halagang P1 bilyon; mayroon ding 1,855 na aktibong accredited Day Care workers at 1,055 na aktibong accredited Day Care Centers mula Oktubre 2019 hanggang Hunyo 2024; may kabuuang 48, 599 na mag-aaral ng Day Care ang nabiyayaan ng mga modular bag noong 2023; nasa 895 na persons deprived of liberty ang nai-enroll sa Alternative Learning System program; at ang matagumpay na paglulunsad ng kauna-unahang Bulacan University and Collegiate Athletic Association o BUCAA.
Binigyang diin din ni Fernando ang tagumpay ng mga isinagawang job fair sa probinsya kung saan 10,341 na Bulakenyo ang nabigyan ng trabaho bilang tugon sa Masiglang Kabuhayan, Kalakalan at Trabaho Para sa Bawat Bulakenyo na adyenda.
Sa ilalim naman ng Makamasang Agrikultura at Malakas na Kooperatiba, nakapagbigay ng suporta ang Pamahalaang Panlalawigan sa sektor ng agrikultura sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga binhi ng pananim, pataba, fingerlings, at demo sites sa mga magsasaka at mangingisda; gayundin ang pagtatatag ng Farmers and Fisherfolks Training Center at paglulunsad ng GO KOOP dashboard na maaaring magamit ng mga kooperatiba sa lalawigan.
Samantala, para sa Maagap na Serbisyong Panlipunan, nakapagkaloob ng iba’t ibang tulong ang Pamahalaang Panlalawigan sa mga persons with disabilities, senior citizens, at persons deprived of liberty.
Iniulat din ng gobernador ang mga tagumpay sa kanyang Makabuluhan at Matatag na Pagawaing Bayan na adyenda kabilang ang Bagong Tanglaw Pag-asa Youth Rehabilitation Center sa Brgy. Bulihan, Lunsod ng Malolos, at ang bagong Provincial Blood Center at Provincial Health Office.
Idinagdag din ni Fernando ang pagsusumikap ng kanyang administrasyon hinggil sa Pagpapaunlad ng Turismo at Pagpapahalaga sa Kultura na kinabibilangan ng paglagda ng Pamahalaang Panlalawigan at Knowledge Channel sa isang kasunduan para sa Sineliksik Bulacan Program, Queen’s Homecoming ni Miss Universe Asia 2024 Chelsea Anne Manalo, Singkaban Festival Level Up, at promosyon ng Sining at Kultura.
Bilang tugon naman sa Mabiyayang Kalikasan at Malinis na Kapaligiran na adyenda, matagumpay na nakapagsagawa ng dredging activities kung saan may kabuuang 325,823 cu.m ang nahukay upang maiwasan ang mga pagbaha; ipinatupad rin ang EO 23 o ang Provincial Anti-Illegal Logging Task Force na may layuning protektahan ang mga kagubatan sa probinsya; at nakapagsagawa rin ng mga tree planting activity para sa mas malusog na ecosystem.
Sa Kapayapaan, Kaayusan, at Kaligtasan naman, naipasa ang EO 19, series of 2024 “Enjoining the Close Monitoring of POGO in the Province of Bulacan” na nagtatalaga sa mga lokal na ehekutibo na magsagawa ng mga inspeksyon sa mga operasyon ng POGO sa kanilang nasasakupan. Binanggit din ni Fernando ang mga disaster resilience and mitigation initiative at disaster preparedness and mitigation programs na ipinapatupad sa probinsya.
Bukod sa SGLG, nakamit din ng lalawigan ang iba pang mga parangal katulad ng Hall of Fame award for Local Revenue Generation, limang gantimpala sa Gawad Timpukan Central Luzon, 2019 Rice Achievers Awards as Outstanding Province – Category A in the country, ISO Certification, at pangwalo bilang Most Competitive Province in the 2023 Philippine Competitiveness Ranking and Outstanding Local Chief Executive of the Philippines – Provincial Category for Luzon Island bilang pruweba ng Mabuti at Mapagkalingang Pamamahala.
Isinagagawa ang Pamaskong Pagdiriwang at Ulat sa Lalawigan sa loob ng tatlong araw na sinimulan ng Disyembre 11 hanggang Disyembre13 na hinati sa pang-umaga at hapon na sesyon upang mapaunlakan ang lahat ng distrito sa lalawigan.
Dumalo rin sa pagtitipon sina Kinatawan Abgd. Danilo A. Domingo, mga Bokal Fortunato Angeles at Romina D. Fermin, Konsehal ng Lunsod ng Malolos Michael Aquino, Konsehal ng Paombong James Santos, Konsehal ng Pulilan Peter Dionisio, at Hagonoy Barangay Captain Kenneth Bautista.
- 30 – –