Nakarating na sa Bicol sakay ng C130 plane ang unang batch ng Department of Health Emergency Response Team mula sa Metro Manila ngayong Oktubre 28.
Inaasahang darating na rin sa Bicol ngayong gabi hanggang bukas ang medical team mula naman sa Central Luzon at Eastern Visayas.
Alinsunod sa mandato ng Pangulong Ferdinand “Bong Bong” Marcos Jr., nagpadala na agad ng karagdagang emergency team ang DOH sa Naga ngayong araw, para tulungan ang mga naunang medical team na rumesponde sa mga lugar na nasalanta ng bagyong Kristine.
Nauna nang sinabi ni DOH Secretary Ted Herbosa na handang magpadala ang kagawaran ng karagdagang personnel sa Bicol na bihasa sa emergency response.
Ang unang batch ng dumating sa Naga sakay ng C130 ay mga doktor, nurses, nurse attendants at ambulance drivers mula sa Amang Rodriguez Memorial Medical Center. Sila ang tutulong sa mga health workers na nasa Naga City General Hospital.
Inaasahan namang susunod na darating ngayong gabi ang karagdagang medical team ng East Avenue Medical Center, Valenzuela Medical Center, Dr.Jose N. Rodriguez Memorial Hospital at Jose B. Lingad Memorial General Hospital.
Itatalaga naman sila sa Bicol Regional General Hospital and Geriatric Medical Center.
Ngayong gabi rin inaasahang darating ang ilang medical staff ng Tondo Medical Center na itatalaga naman sa Naga City General Hospital.
Darating naman sakay ng RORO ang mga kinatawan ng Eastern Visayas Medical Center simula bukas, Oktubre 29. Sila ay itatalaga para tumulong sa Naga City General Hospital.
Sa kabuuan, nasa 91 na medical staff ang pinadala ng DOH sa Bicol region mula sa iba’t ibang lugar ng bansa.