Ang bagong kinoronahang Hari at Reyna ng Singkaban 2022 Jordan Jose San Juan at Zeinah P. Al-Saaby na kapwa mula sa bayan ng Bocaue sa ginanap na Grand Coronation Night nitong Sabado, Setyembre 10 sa Bulacan Capitol Gymnasium, Lunsod ng Malolos. - PPAO

LUNSOD NG MALOLOS, Bulacan – Sinolo ng Bayan ng Bocaue ang mga titulo bilang Hari at Reyna ng Singkaban sa taong ito sa katauhan nina Hari Jordan Jose San Juan at Reyna Zeinah P. Al-Saaby sa ginanap na Grand Coronation Night nitong Sabado, Setyembre 10 sa Bulacan Capitol Gymnasium sa lunsod na ito.

Maliban sa titulo, inuwi din ni Hari ng Singkaban 2022 ang Best in Formal Wear, Mr. Photogenic, Best in Sminwear, at Smart Choice Award; habang napanalunan din ni Reyna ng Singkaban 2022 ang Ms. Photogenic Special Award.

Kapwa nalulugod sa kanilang pagkakapanalo, pinasalamatan ng dalawa ang kanilang pamilya, handlers, at mga tagasuporta sa pagtitiwala sa kanila.

Nangako si Al-Saaby na isusulong ang turismo ng lalawigan habang patuloy namang magiging inspirasyon sa kanyang mga kapwa kabataan si San Juan.

Nag-uwi ang Hari at Reyna ng Singkaban ng tig-P25,000 bawat isa; ang Hari at Reyna ng Turismo, Hari at Reyna ng Sining at Kultura, at Hari at Reyna ng Kasaysayan naman ay nagkamit ng P10,000 bawat isa; habang parehong nag-uwi ng P6,000 ang 1st at 2nd runners up.

Pinasalamatan at binati ni Gobernador Daniel R. Fernando ang mga kalahok sa kanilang pagsisikap na ipakilala sa kasalukuyang henerasyon ang iba’t ibang tradisyon at pagdiriwang ng Lalawigan ng Bulacan.

“Hindi malayo na sa susunod na panahon, sa inyong hanay ang mga international kings and queens dahil nililinang ng paligsahang tulad nito ang inyong kakayahan at kumpyansang dalhin ang inyong sarili at ipahayag ang inyong tunay na saloobin,” anang gobernador.

Dinoble rin niya ang premyo ng mga nagsipagwagi sa paligsahan.

Samantala, kinoronahan sina Hari ng Hagonoy Almer F. De Jesus at Reyna ng Santa Maria Liza M. Gonzales bilang Hari at Reyna ng Turismo 2022, at parehong nagkamit ng Best in Talent at Best in Festival Costume awards.

Dagdag pa rito, iginawad ang Hari at Reyna ng Sining at Kultura 2022 kina Hari ng Obando Rei Aldrich Gregorio at Reyna ng Malolos Rian Maclyn L. Dela Cruz na nagkamit rin ng Best in Formal Wear at Best in Swimwear awards.

Gayundin, tinanggap ni Hari ng Malolos Adrian Joseph B. Arias ang Hari ng Kasaysayan at People’s Choice Award; habang nasungkit ni Reyna ng Pulilan Antonette Viktoria Leonardo Acosta ang Reyna ng Kasaysayan at Smart Choice Award.

Wagi rin sina Hari ng Meycauayan Keanu McGrath at Reyna ng Bulakan Jiensey Jeacann M. Arcillas bilang 1st runners up; sina Hari ng Paombong Rowel Christian Mendoza at Reyna ng San Rafael Sherenade Anne S. Gonzales bilang 2nd runners up; at Reyna ng Obando Jessa Louise T. Peregrina ng People’s Choice Award. – PPAO