LUNSOD QUEZON — Sinampahan nitong Lunes, Setyembre 11 ng reklamong paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act at Falsification of Public Document sina Punong Barangay Alfredo ‘Freddy’ Roxas, Kgwd. Arnel Gabito at Brgy. Treasurer Hesiree Santiago ng Barangay Kaligayahan sa Quezon City.
Ayon sa nagsampa ng reklamo na si Arjean Abe, nagtrabaho siya sa Brgy. Kaligayahan bilang isang teacher aide sa daycare center noong Marso 1, 2022, at kada buwan ay tumatanggap siya ng sahod na anim na libong piso (P6,000.00).
Dahil noong mga panahon na ‘yun ay kasagsagan ng Covid-19 sa bansa, pansamantala muna siyang itinalaga ni Kap. Roxas, bilang taga-isyu ng barangay clearance.
Ayon sa reklamong inihain ni Abe, ika-31 ng Enero ngayong taon nang magpaalam siya sa kanilang Punong Brgy. na si Roxas, na siya ay aalis na sa kanyang trabaho.
Agad din daw siyang nagbigay ng kanyang resignation letter na tinanggap naman ni Barangay Treasurer Herisee Santiago.
Matapos maghain ng kanyang resignation noong Enero 31, 2023 ay hindi na nagreport at pumasok sa trabaho si Abe sa kanilang barangay.
Dagdag pa ni Abe, nagulat na lamang siya nitong Mayo 2023 nang malaman sa isang kakilala na diumano’y patuloy pa ring kasama sa barangay payroll ang kanyang pangalan bilang empleyadong tumatanggap ng sweldo.
Pirmado rin aniya ang payroll sheet ng Brgy. ang kanyang pangalan na katunayan na may tumatanggap ng kanyang sweldo.
Ang isa pa sa kanyang ipinagtataka ay sinertipikahan pa umano ng Chairman ng Committee on Appropriation na si Kgwd. Arnel Gabito, Kapitan Alfredo Roxas at Hesiree Santiago ang payroll, gayung alam naman nila na matagal na siyang hindi nagtratrabaho sa kanilang barangay.
Nakasaad din umano sa sertipikasyon na nilagdaaan ng mga nasabing opisyal na tama ang lahat ng detalye na nakalagay sa barangay payroll.
Ayon sa Sinumpaang Salaysay ng Pagrereklamong inihain ni Abe, nagpasya siya na sampahan ng reklamong paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act at Falsification of Public Documents sa tanggapan ng Office of the Ombudsman sina Kapitan Alfredo ‘Freddy’ Roxas, Kgwd. Arnel Gabito at Brgy. Treasurer Hesiree Santiago dahil sa paggamit umano ng kanyang pangalan at pamemeke ng kanyang pirma para makakubra ng payroll sa Quezon City Hall.
Ang kanya ngayong tanong: Kanino at saan napunta ang pera na diumanoy nakubra bilang payroll mula sa Quezon City Hall gamit ang kanyang pangalan?
Kamakailan ay patung-patong na reklamo nadin ang isinampa sa tanggapan ng Ombudsman laban kina Kapitan Alfredo ‘Freddy’ Roxas, Kagawad Arnel Gabito, at Barangay Treasurer Hesiree Santiago. — Ni Perfecto T. Raymundo, Jr.