LUNSOD NG MALOLOS, Bulacan – Hinikayat ni Senate Majority Floor Leader Joel Villanueva ang mga Bulakenyo na ipasa sa susunod na henerasyon ang mayamang kasaysayan ng Lalawigan ng Bulacan sa pamamagitan ng pagtalakay sa paksa tungkol dito sa mga hapag-kainan sa ginanap na Ika-444 Anibersaryo ng Pagkakatatag ng Bulacan nitong Lunes, Agosto 15 sa Bulacan Capitol Gymnasium sa lunsod na ito.
Sa kanyang talumpati sa harap ng libu-libong tao na dumalo sa pagtitipon, nagbigay siya ng tatlong punto upang maalala kung paanong ipagpapatuloy ang legasiya ng pagiging Bulakenyo kabilang ang pagpapatingkad sa diwang Bulakenyo sa kabila ng patuloy na modernisasyon ng lipunan; pagbibigay-diin sa kontribusyon ng Bulacan sa kasaysayan; at lalong pagpapalawak ng papel ng Bulacan sa pagbuo ng bansa.
“May dugong nananalaytay sa bawat isa sa atin na dugo ng bayani. Nananalaytay po sa atin ang kabayanihan na ipinamana at nahuhulma sa atin. Kaya naniniwala po ako na mananatiling magiting ang lalawigan ng Bulacan sa susunod pang isang daang taon at apat na daang taon,” anang “Gentleman from Bulacan”.
Gayundin, hinikayat ni Gobernador Daniel R. Fernando ang lahat ng Bulakenyo lalo na ang mga kabataan na kilalanin ang lalawigan at protektahan ito kung paanong pinangalagaan ito ng mga ninunong Bulakenyo.
“Nasa atin ang oportunidad na himukin ang ating mga kababayan lalo na ang mga kabataan na mahalin ang ating lalawigan at mag-alay ng talino at lakas para sa Inang Bayan. Ito ang tunay na kabuluhan ng araw ng pagkakatatag ng ating lalawigan,” anang gobernador.
Bukod pa rito, nag-alay ng sandaling katahimikan si Bise Gob. Alexis C. Castro upang alalahanin ang pagkamakabayan ng mga naunang Bulakenyo na nagbahagi ng kanilang abilidad para sa lalawigan.
“Wala po tayong malinaw na larawan kung paanong ang Bulacan ay nagsimula, ang naiwan po sa atin ay ang mga bakas ng kasaysayan na sa araw-araw nating pamumuhay ay ating nakikita – mga kaugalian, tradisyon, pananalita, pakikipag-kapwa, pananampalataya. Bunga ang mga ito ng mga binhing ipinunla ng mga nauna sa atin,” ani Castro.
Matapos ang programa sa gymnasium, nagtungo sina Villanueva, Fernando, Castro at iba pang lokal na opisyal ng lalawigan sa gusali ng Hiyas ng Bulacan Cultural Center upang hawiin ang tabing sa panandang pamana na sumisimbolo sa Ika-50 Anibersaryo ng Pagkakatatag