LUNSOD QUEZON – Sinampahan ngayong Huwebes, Agosto 24 ni Barangay Kagawad Allan Butch Francisco Jr. ng patung-patong na reklamo sa Office of the Ombudsman sina Brgy. Captain Alfredo ‘Freddy’ Roxas, Kgwd. Jim Mahusay, Kgwd. Alexander Rivera, Kgwd. Perla Adea Mallari, Kgwd. Arnel Gabito, Kgwd. Dionisio Gascon, Kgwd. Sofronio Grimaldo, at Brgy. Secretary Josephine Penarada ng Brgy. Kaligayahan, Novaliches ng lunsod na ito.
Kabilang sa reklamo ang paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act, Falsification of Public Documents, at Grave Misconduct.
Ayon sa Complaint-Affidavit ni Kgwd. Francisco Jr., ang reklamong paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act ay base sa pagpasa ng isang resolusyon na hindi dumaan sa pagtalakay sa regular o special session ng barangay. Samantala, ang reklamong Falsification of Public Documents ay nag-ugat sa iregularidad sa pag issue ng Secretary’s Certificate ni Peñaranda kung saan sinabi nito na may session na naganap noong Abril 15, 2023, kung saan diumano tinalakay ang pagpasa sa Barangay Resolution No. 087, 2023.
Ayon pa kay Kgwd. Francisco, naaprubuhan diumano ang Barangay Resolution No. 087, 2023 nang hindi dumaan sa isang regular session ng barangay, na siyang nararapat at legal na proseso, sapagkat walang naganap na anumang session noong Abril 15, 2023. Ang resolusyong ito ay patungkol sa “A BARANGAY COUNCIL RESOLUTION INTERPOSING NO OBJECTION TO THE APPLICATION OF M.M LEDESMA LABORATORIES CORPORATION LOCATED AT BLK. 3 LOT 9 ZABARTE EXT., BARANGAY KALIGAYAHAN NOVALICHES QUEZON CITY.”
Wala rin umanong naganap na kahit anong special session para talakayin ang Brgy. Resolution No. 087, 2023; ni walang notice o patawag na natanggap si Kgwd. Francisco Jr. patungkol sa pagkakaroon ng special session noong petsang iyon. Taliwas diumano dito ang inilabas na Secretary’s Certification ni Brgy. Sec. Peñarada kung saan sinertepika ni Peñaranda na nagkaroon ng regular session noong Abril 15, 2023.
Kamakailan din ay sinampahan din ni Hernando Compendio sa Office of the Ombudsman si Kapitan Roxas ng reklamong paglabag sa Anti Graft and Corrupt Practices Act dahil umano sa pagtanggal sa kanya sa kanyang trabaho bilang BPSO at paggamit ng pangalan nito upang makubra ni Kapitan Roxas at kanyang mga opisyal ang payroll ni Compendio na umabot sa halos P100,000 para sa taong 2023. – Ni Perfecto T. Raymundo, Jr.