2023 Malolos City Free Sports Clinic, itinakda
LUNSOD NG MALOLOS, Bulacan – Binigyang pagkilala ng Pamahalaang Lunsod ng Malolos sa pangunguna ni Mayor Atty. Christian D. Natividad, ang tatlong atletang Malolenyo sa isinagawang seremonya ng Lingguhang Pagtataas ng Watawat nitong Lunes, Hulyo 10 sa harapan ng bahay pamahalaan ng lunsod na ito.
Anim na medalya ang napagwagian ng mga Malolenyong atleta sa ginanap na 6th Heroes Taekwondo International Cahmpionship noong Hulyo 1 hanggang Hulyo 2 sa Bangkok, Thailand.
Kabilang dito ang Gold – Kyorugi, Silver- Solo Poomsae at Bronze- Pair Poomsae ni Jevaughn Jamian Delos Reyes, Bronze- Solo Poomsae Kyorugi ni Francis Marius Bergado at Bronze – Solo at Pair Poomsae Kyorugi ni Amber Lheille DV De Vera.
Lubos ang pasasalamat ni Mayor Natividad sa mga kababayang atletang nagbigay parangal hindi lamang sa lunsod ng Malolos kundi pati na rin sa bansang Pilipinas.
Nakiisa rin sa paggawad ng pagkilala sina Vice Mayor Migs Bautista, Konsehal Noel Sacay, Kon. Niño Bautista, Kon. Troi Aldaba III, Kon. JV Vitug III, Kon. Ayee Ople at City Administrator Joel S. Eugenio.
Samantala, inihayag ni City Mayor’s Office-Sports Division Head Toti Villanueva ang pagsasagawa ng 2023 Malolos City Free Sports Clinic, na isang joint partnership project ng lokal na pamahalaan, Malolos City School Sports Federation at ng School Division Office City of Malolos.
Isinagawa ang pagpaparehistro sa nasabing sports clinic noong Hulyo 4 hanggang Hulyo 11 at sisimulan ang pampalakasang pagsasanay sa Hulyo 17 hanggang Hulyo 28.
Ayon pa kay Villanueva, libre ang pagrerehistro at agaran nilang isusumite sa Marcelo H. del Pilar National High School Special Program in Sports Office. Kabilang sa mga Sports Event ang Athletics, Badminton, Basketball, Dance Sports, Chess, Futsal, Gymnastics, Sepak Takraw, Table Tennis, Taekwondo, Pickleball, Volleyball, Wrestling at Arnis.