Mula Kaliwa: Manila Water East Zone Business Operations Group Director Shoebe Caong, MWSS Administrator Leonor Cleofas, Manila Water President and CEO Jocot De Dios, Quezon City Mayor Joy Belmonte, Quezon City Schools Division Superintendent Carleen Sedilla, and Manila Water Foundation Executive Director Reginald Andal. – Larawang Kuha ni Perfecto T. Raymundo, Jr.

LUNSOD QUEZON — Bilang bahagi ng ika-dalawampu’t anim na anibesaryo ng Manila Water ngayong Agosto, inilunsad nito, sa pamamagitan ng Manila Water Foundation (MWF), ang “Project Drink 72” na nagkaloob ng refrigerated drinking fountains (RDFs) sa pitumpu’t dalawang pampublikong iskwelahan sa lunsod na ito.

Ipinagkaloob ng Manila Water ang RDFs sa unang 20 pampublikong iskwelahan na ginanap sa Balara Elementary School sa Lunsod Quezon.

Dumalo sa seremonya sina Manila Water President at CEO Jocot De Dios, Mayor Joy Belmonte ng Lunsoz Quezon, MWSS Administrator Bobby Cleofas, Department of Education-Quezon City Schools Division Superintendent Carleen Sedilla, MWF Executive Director Reginald Andal, Manila Water East Zone Business Operations Group Director Shoebe Caong, at mga prinsipal, titser at mga mag-aaral.

Kabilang sa mga unang tumanggap na paaralan ang Balara Elementary School, Balara High School, Batino Elementary School, Camp Crame Elementary School, Camp Crame High School, Krus na Ligas Elementary School, Krus na Ligas High School, Malaya Elementary School, Sto. Cristo Elementary School, Culiat Elementary School, Pinyahan Elementary School, Quirino High School, San Francisco High School, Bungad Elementary School, New Era Elementary School, Old Balara Elementary School, Pasong Tamo Elementary School, Project 3 Elementary School, Tandang Sora Elementary School, at Teodora Alonzo Elementary School na may kabuoang 59,000 mag-aaral.

Sa pamamagitan ng inisyatibong ito, umaasa ang Manila Water na makabahagi sa pagkakaroon ng magandang kalusugan at kapakanan ng mga istudyante, gayundin sa paggawa ng conducive learning environment na may sapat na access sa malinis at inuming tubig, safely-managed sanitation facilities at hygiene supplies. 

“Hopefully, ang mga bata, maiiwasan ang mga matatamis na inumin. Tubig po ang tunay na kailangan natin for our health. Ang mga fountain na ito will hopefully deter or prevent us from using plastic kasi masama po talaga yan sa ating environment,” ani De Dios.

Sa kanyang talumpati naman, ipinahayag ni Mayor Belmonte ang kanyang pasasalamat sa Manila Water sa pagsuporta sa mga adbokasiya na pinaprayoridad din ng Pamahalaan ng Lunsod Quezon.

“Alam naman natin na isa sa mga adbokasiya natin ay siguraduhing malulusog ang ating mga kabataan. Kayo rin ang nagsimula ng WASH Program kung saan sinisiguro natin na may handwashing facilities ang ating mga paaralan. Ngayon naman, drinking fountains, alam nyo ito rin ay aking adbokasiya because we really believe that water is a basic human right that every Filipino family should have,”  ani Belmonte. — Ni Perfecto T. Raymundo, Jr.