LUNSOD QUEZON – Sampung ospital sa lunsod na ito ang pinagkalooban ng P50-milyong pondo sa ilalim ng Medical Access Program o MAP ni Senador Joel Villanueva nitong Miyerkules, Agosto 2.
Sa kanyang talumpati, sinabi ni Mayor Joy Belmonte ng Lunsod Quezon “Ito ay talagang maliwanag na indikasyon ng kanilang unwavering commitment para matulungan ang buhay ng mga Pilipino.”
Nagpahayag din ang punong ehekutibo ng nasabing lokal na pamahalaaan nang kanyang buong-pusong pasasalamat at pagkilala kay Senador Villanueva para sa P50 milyong pondo para sa MAP para sa sampung ospital na matatagpuan sa syudad.
“Kumpiyansa ako na malaking bahagi ng ating mga mamamayan ang makikinabang sa programang,” sab pa ni Belmonte.
Sa kanyang panig, sinabi naman ni Villanueva na “sa lahat ng propesyon sa mundong ito, ang inyong propesyon, sa inyo ako bilib na bilib.”
Dinagdag pa ng Senador na kailangang pag-aralang mabuti ang mga health practitioners at asahan ang lahat ng mga senaryo ng kundisyon ng kalusugan ng isang pasyente bago isakatuparan ang kanilang tungkulin.
“Sa kasalukuyan, 40 porsyento ang coverage ng Philippine Health Insurance Corporation o PhilHealth sa ilalim ng Universal Health Care Act. Ang status po, binabalikat pa rin ng mga Pilipino ang 60 percent o mas malaki “out of pocket” ang ginagastos sa kanilang pangangailangang medikal,” sabi ni Villanueva.
Ayon din kay Sen. Villanueva, masigabong nagtatrabaho ngayon ang Senado para maitaas sa mas mahigit 40 porsyento ang health coverage ng PhilHealth para sa mga Pilipino.
“Ang pondong ito ay magsilbing martilyo at chisel sa pagtulong nyo sa mga nangangailangang Pilipino,” ani Villanueva.
Matatandaang si Villanueva ang pangunahing may-akda ng “Doktor para sa Bayan Act”.
Lumagda sa Memorandum of Agreement (MOA) ang Department of Health o DOH at ng sampung ospital na matatagpuan sa Lunsod Quezon na ginanap sa ika-15 palapag ng High Rise Building ng Bulwagan ng Lunsod Quezon.
Kasama nina Belmonte at Villanueva si DOH National Capital Region Regional Director Annie Sudiacal na sumaksi sa paglagda ng kasunduan at seremonya nang pagkakaloob, ayon sa pagkakasunod-sunod.
Kabilang sa sampung benepisaryong ospital na tumanggap ng tig-P5 milyong tseke kada iang East Avenue Memorial Medical Center, Lung Center of the Philippines, National Children’s Hospital, National Kidney and Transplant Institute, Philippine Children’s Medical Center, Philippine Heart Center, Philippine Orthopedic Center, Quezon City General Hospital, Quirino Memorial Medical Center, at Veterans Memorial Medical Center. – Ni Perfecto T. Raymundo, Jr.