LUNSOD NG MALOLOS, Bulacan – Kasama ng mga kaparian ng Diyosesis ng
Malolos si Gobernador Daniel R. Fernando na sumalubong sa Pilgrim Relics ni St.
Therese of the Child Jesus nitong Biyernes, Enero 27 sa harapan ng Bahay
Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan sa lunsod na ito.
Ika-5 pagbisita na sa Pilipinas ng nasabing pilgrim relics bilang pagdiriwang ng ika-
150 taong anibersaryo ng kapanganakan ni St Therese of the Chilld Jesus at ika-
100 taon ng kanyang beatipikasyon.
Pinangunahan naman ng Military Ordinariate of the Philippines ang pag-aalay ng
panalangin sa labi ng banal na santa kasama ang mga naghatid at sumalubong
dito.
Bibisita sa ibat-ibang panig ng bansa ang “centennial reliquary,” na nagmula pa sa
Basilika ng Lisieux, France at naglalaman ng buto sa binti (right femur) at bumisita
sa Diyosesis ng Malolos mula Enero 26 hanggang Enero 28.
Ayon kay Gob. Fernando, ang pagsalubong at pagtanggap sa relics ni St. Therese
ay makakatulong sa pagpapatibay ng pananampalataya ng mga Bulakenyo.
“Tayong mga Bulakenyo ay likas na may takot sa Diyos at may matatag na
pananampalataya sa Panginoon. Sa ating pagtanggap sa labi ni St. Therese ay
isang paraan hindi lang upang maipagpatuloy ang kanyang layuning maging
misyonaryo, ito din ay makakatulong upang mas patatagin pa ang
pananampalataya natin dito sa Bulacan,” anang gobernador.
Samantala, sinabi ni Bro. Luis Tan ng Diyosesis ng Malolos na ang pagbibigay
natin ng pagpapahalaga sa ganitong mga gawain ay pagbibigay na rin ng
katuparan sa gampanin ni St. Therese bilang misyonaryong Katoliko.
“’Yung pagdating sa atin ni St. Therese ay napakahalaga sapagkat to welcome the
relics is to welcome the saint herself. ‘Yung pagdalaw niya sa atin, para na ding
pagpunta ni St. Therese sa atin at saka eto ‘yung fulfillment ng kanyang naisin
nung siya ay madre pa, na maging misyonaryo siya na lilibot sa buong mundo,”
pagpapliwanag ni Bro. Tan.
Sumunod na dinala sa Sacred Heart of Jesus and Mary Chapel sa Kampo Heneral
Alejo Santos ang Pilgrim Relics ni St. Therese of the Child Jesus, na buong
kagalakang sinalubong ng mga opisyal at kagawad ng kapulisan ng Bulacan Police
Provincial Office sa pangunguna ni Provincial Director PCol. Relly B. Arnedo, para
sa isang banal na misa na pinangunahan ni Bishop Dennis C. Villarojo.