LUNSOD QUEZON — Ang proyektong ‘Light Up to WASHup! Beaming Forces for Good in the Ipo Watershed’ ng Manila Water Foundation (MWF) at One Meralco Foundation (OMF) ay kinilalang Outstanding Corporate Social Responsibility (CSR) Collaboration Project sa CSR Guild Awards 2023 ng League of Corporate Foundations.
Ang tubig at enerhiya ay mga nagpapabagong lakas na humuhubog ng mga buhay at nagdedetermina nang kinabukasan ng mga tahanan at komunidad.
Subalit, sa ilang parte ng bansa, ang access sa mga batayang serbisyong ito ay patuloy na nagiging hamon dahil sa geograpiko, imprastraktura at kawalan ng pondo.
Kagaya ito ng kaso ng isang komunidad ng Dumagat sa Ipo Watershed na matatagpuan sa Sitio Sapang Munti, Norzagaray, Bulacan.
Sa naturang watershed nanggagaling ang inuming tubig ng milyun-milyong residente ng Metro Manila at ang mga nakatira malapit dito ay uhaw sa mas mabuting pinagkukunan ng tubig
Para tugunan ito, ang MWF at OMF ay nagsanib pwersa sa instalasyon ng water treatment at distribution system sa pamamagitan ng solar power para serbisyuhan ang 122 pamilya sa nasabing komunidad.
Nagsimulang gumawa sa Sitio Sapang Munti ang MWF noong 2021 at ang malaking pangangailangan ay ang pagsasaayos ng imprastraktura ng sistemang pantubig na kailangang i-energize.
Ito ay natupad nang ang OMF ay naghahanap ng pilot project para sa kanilang Water Access Electrification Program na sumusuporta sa pangangailan ng enerhiya ng mga programang pantubig sa mga komunidad na malalayo at wala sa grid.
Nagtayo ang MWF ng water treatment at distribution facility sa Sitio Sapang Munti sa pamamagitan ng solar photovoltaic (PV) system na ikinabit ng OMF.
Simula Disyembre 2022, ang water system ay nagsusuplay ng 32 metro kubiko ng maaasahan at malinis na tubig para sa mga pamilya na sumusuporta sa kalusugan at pagiging produktibo ng komunidad. – Ni Perfecto T. Raymundo, Jr.
- 30 –