LUNSOD QUEZON – Sa isang pulong balitaan nitong Hulyo 31 sa lunsod na ito, nanawagan si Mayor Fermin Mabulo ng San Fernando, Camarines Sur para sa isang bagong pamunuan na uunahin ang inklusibo at pangmatagalang kaunlaran para sa lahat.
Hinamon din ni Mayor Mabulo si Kinatawan Luis Raymund Villafuerte, Jr., na tumakbo silang dalawa sa halalang panggobernador sa taong 2025.
Napilitang lumabas sa media ang alkalde kasunod nang kumakalat na fake news at tsismis na diumanoy ipinakalat ng kampo ni Kint. Villafuerte laban sa kanya at sa kanyang pamilya.
“Madami pong lumalabas na mga fake news laban sa akin at sa aming pamilya. mga paninira na sa una ay hindi namin pinapansin dahil pawang kasinungalingan lang, subalit ito ay palala nang palala at sponsored pa,” pagbubulgar ni Mabulo.
Ipinaliwanag ni Mayor Mabulo ang pangangailangang tugunan ang mga paninira sa kanya at kanyang pamilya.
Nasiraan ng loob si Mabulo ng mga walang basehang pag-atake at ipinahiwatig na motibong pulitikal ang nasa likod ng mga paninira.
Nagsilbing panlalawigang tagapangasiwa ng Camarines Sur si Mabulo noong gobernador si Villafuerte.
Naalala ng lokal na punong ehekutibo na ang mga pag-atake laban sa kanya ng mambabatas ay nagsimula sa social media platforms.
Kapwa miyembro ng PDP-Laban si Mayor Mabulo at Kint. Villafuerte pero noong nakaraang eleksyon ay nagkaiba ng partidong dinadala.
Ikinuwento ni Mabulo na ilang buwan na ang nakakaraan, hinamon siya ni Villafurte sa isang boksing.
“May nag-text nga sa akin at naghahamon pa ng suntukan, nag-post din sa Facebook. sasagutin na kita, Congressman Villafuerte, tinatanggap ko ang iyong hamon, boxing? Let’s go! Sa isang kundisyon, gawin natin ito sa Jessie Robredo Coliseum sa Naga City bilang fund-raising event para sa kapakanan ng ating mga provincial scholars na tinanggal mo dahil hindi bumoto sa mga anak mo ang magulang at pamilya nila,” ani Mabulo. – Ni Perfecto T. Raymundo, Jr.