LUNSOD QUEZON — Pinaalalahanan ni Land Transportation Office (LTO) Chief Asst. Sec. Vigor Mendoza II ang mga operator ng mga pampublikong sasakyan na palagiang tiyakin na sumusunod sa safety standards ang kanilang mga unit para makaiwas sa trahedya sa kalsada mayroon mang okasyon o wala.
Ginawa ni Mendoza ang panawagan makaraang mapansin niya ang ilang paglabag sa mga ‘modern jeepney’ sa ikinasa niyang sorpresang inspeksyon ngayong Sabado sa Araneta Center Transport Terminal sa Cubao, Quezon City.
Ilan sa napansin ni Mendoza ang maninipis nang mga gulong ng mga sasakyan, mga palitan ng mga wiper blade, at maliliit na mga signboard. Bukod sa mga ito, maayos pa rin naman ang ibang aspeto ng mga behikulo.
“Dapat nating matiyak na kahit anong araw ay ligtas ang mga pampasaherong sasakyan. Ang nangyayari kasi, kumikilos lang ang mga operator kapag may mga okasyon tulad ng Semana Santa at Undas,” paliwanag ni Mendoza.
Sinabi niya na marami na rin namang magagandang pagbabago sa LTO tulad ng mas mataas na teknolohiya, pero iginiit niya na ang nakikita ng mga simpleng pasahero ay ang mga bagay tulad ng malinis na behikulo, maayos na airconditioning unit, at ligtas na biyahe na dapat tiyakin ng mga operator.
“Itong inspeksyon natin ay paalala lang na dapat on day-to -day basis ay roadworthy ang mga sasakyan para sa kaligtasan ng mga pasahero at para na rin sa maayos na pagnenegosyo,” sabi ni Mendoza.
Gagawin umano ni Mendoza na regular ang random inspection sa iba’t ibang mga terminal sa Metro Manila at Luzon saka isusunod ang Visayas at Mindanao.
“Importante itong inspections para makasanayan na ng mga operator hanggang sa maging normal o parte na ng habit nila ang tiyakin ang roadworthiness o ligtas palagi ang kanilang mga unit kapag bibiyahe,” sabi ni Mendoza.
Kasunod ng inspeksyon sa mga modern jeep, pinuntahan rin kahapon ni Mendoza ang mga bus terminal sa Cubao kung saan parehong mga problema rin ang kaniyang nasaksihan.
Sa ngayon, warning lamang muna ang ibinibigay ni Mendoza sa mga operators. Ngunit kung patuloy na ipagsasawalang-bahala nila ang kaligtasan ng mga pasahero, bibigyan na ng LTO ng karampatang penalty o parusa ang mga operator. – Ni Perfecto T. Raymundo, Jr.