Pondong P120M, sa inisyatibo ni Kinatawan Pleyto
BAYAN NG ANGAT, Bulacan – Pinangunahan nina Kinatawan Salvador “Ka Ador” A. Pleyto ng Ika-6 na Distrito ng lalawigan, Mayor Reynante “Jowar” S. Bautista at District Engineer George DC Santos ng DPWH Bulacan 2nd District Engineering Office, ang groundbreaking ng bagong Angat Municipal Multi-Purpose Building nitong Huwebes, Hunyo 29 sa Barangay San Roque ng bayan na ito.
Nagkakahalaga ng P120 milyon ang itatayong bagong munisipyo, na napondohan sa inisyatibo ni Kint. Pleyto at inisyal na nabigyan ng P10M para sa pagsisimula ng konstruksyon nito.
2 palapag ang nasabing pasilidad na may sukat na 1,500 metro kuwadrado bawat palapag sa kabuoang 3,000 metro kuwadrado, na magsigsisilbing legasiya ni Kint. Pleyto para sa 70 libong populasyon ng bayan ng Angat.
Itinatayo sa 2.4 ektaryang lupain ni dating Pandi Mayor Celestino “Tinoy” Marquez na ibinigay sa Pamahalaang Bayan ng Angat bilang donasyon.
Ayon kay District Engineer Santos, hindi kasama sa alokasyon ni Kint. Pleyto ang nasabing proyekto ngunit dahi sa pagpupursigi ng mambabatas, nagkaroon ng katuparan ang pinapangarap ng mga Angateno.
Nangako din si DE Santos na ang kanilang tanggapan ay tutugon sa maayos at mabilis na implementasyon ng bagong municipal multi-purpose building.
Nakita naman ni Kint. Pleyto ang pangangailangang mapalitan ang lumang munisipyo na mahigit sa 60 taon na, nang bago at modernong bahay pamahalaan.
Sa kanyang mensahe bago isagawa ang groundbreaking, sinabi ni Kint. Pleyto ang ginawang aksyon para sa katuparan ng kanilang pangarap ng mga kadistritong taga-Angat.
“Many dreams go by the wayside, beacause no one ever took the first step… by choosing to take that first step… we are near to realizing our dream,” anang Kinatawan.
“Being a first class municipality, you deserve a municipal hall of a highest degree,” kailangang maganda ang munisipyo ninyo,” dagdag pa ni Pleyto.
Ipinaliwanag naman ni Mayor Bautista ang kahalagahan ng bagong munisipyo.
“Layunin ng proyektong ito na palawakin at pagyamanin ang serbisyo ng bawat ahensya na tutugon sa pangangailangan ng ating bayan,” ani Bautista.
“Naniniwala po tayo na ang maayos na munisipyo ay higit na makapagbibigay ng maayos na serbisyo at ang maayos na serbisyo ay makakaakit nang mas malaking oportunidad at negosyo,” dagdag pa ng alkalde.
“Ngayon ko po nakikita na may totoong gobyerno na umaalalay dahil sa pagmamahal ni Congressman Ador Pleyto sa mamamayan ng Angat,” pagtatapos ni Mayor Bautista.
Dumalo rin sa panimula nang itatayong pasilidad sina Maricel Flores at Manny Dela Cruz bilang mga kinatawan ni dating Mayor Marquez, Mayora Leslie Bautista na maybahay ni Mayor Bautista, Vice Mayor Arvin Agustin at mga Konsehal, ABC Eric Cruz, Municipal Administrator Doc. Noel Aquino, mga pinuno at kawani ng pamahalaang bayan, mga punong barangay, PMaj. Mark San Pedro, hepe ng Angat Municipal Police Station, mga opisyal at kawani ng DPWH 2nd DEO at mga opisyal at kasapi ng Civil Society Organization.
Samantala, tatlo pang aktibidad na programa ni Kinatawan Pleyto sa Ika-6 na distrito ang dinaluhan niya sa kaparehong araw na sinimulan ng isang Medical, Dental and Optical Mission para sa mga residente ng Norzagaray, kasama sina Vice Mayor Baldo Gener at mga konsehal ng bayan sa pangunguna ni Konsehal Maricar San Pedro Pelayo, na isinagawa sa NHV Covered Court ng Barangay Bitungol.
Sinundan nang pagdalo rin sa patuloy na pamamahagi ng Assistance to Individuals in Crisis Situation o AICS sa mga benepisyaryong Angateno kasama si Angat Mayor Bautista at Vice Mayor Agustin, na isinagawa sa Angat Evacuation Center.
At panghuli’y groundbreaking din ng Alternate Baybay-Laog Bridge na pinagdudugtong ang 2 barangay sa bayan ng Angat. Hindi na pinalagpas ni Kint. Pleyto ang pagkakataon na makapag-ulat sa mga dinaluhang aktibidad, ng kanyang mga nagawa sa 1 taon ng kanyang panunungkulan bilang Kinatawan ng Ika-6 na Distrito ng Bulacan sa Mababang Kapulungan o Kongreso.