LUNSOD NG QUEZON – May plano ang bansang Tsina sa pamamagitan ng Federation of Filipino Chinese Chamber of Commerce and Industry Inc. o FFCCCII na magtanim at magproduce ng puno ng tsaa sa lalawigan ng Benguet sa Cordillera Administrative Region sa Hilagang Luzon.
Ito ay sa dahilang ang lamig ng panahon sa lalawigan ng Benguet ay nangangahulugan ng magandang tubo ng puno ng tsaa.
Ayon kay FFCCCII President Dr. Cecilio Pedro, ang puno ng tsaa ay maaaring maging kapaki-pakinabang sa loob ng limampung taon kung may magandang pangangalaga.
Sa isang pulong balitaan sa Pandesal Forum ng Kamuning Bakery sa Quezon City nitong Huwebes, Hunyo 29 sinabi ni Dr. Pedro na wala pa namang timetable ang nasabing plano o panukala.
Ayon sa kanya, mangangailangan pa ng sapat na panahon upang pag-aralan ang nasabing proyekto base sa available demand, cost of production at availability ng market.
Si Dr. Pedro ang may-ari ng kilalang Hapee Toothpaste at isang bihasang negosyante sa loob ng maraming taon.
Pabiro pa nyang sinabi na kung Marijuana ang pag-uusapan, madali nang i-produce yan sa lalawigan ng Benguet.
Subalit pagdating sa puno ng tsaa, marami pang mga bagay ang isasaalang-alang.
Lumahok din sa nasabing pulong balitaan sina Benguet Gov. Melchor Diclas at Benguet State University President Dr. Felipe Comila na parehong nagpahayag ng kanilang kasayahan, pasasalamat at kahandaang makipagtulungan sa FFCCCII at sa bansang Tsina upang maisakatuparan ang proyekto. – Perfecto T. Raymundo Jr.