LUNSOD NG QUEZON — Nagpakita ng todo suporta sa public utility vehicle modernization program (PUVMP) ng gobyerno ang grupo ng mga kababaihan na kabilang sa “Busina” sa pamamagitan ng “Walk for a Cause” nitong Biyernes.
Sa ilalim ng PUVMP ng gobyerno, kailangang magsama-sama ang mga pampublikong sasakyan bilang kooperatiba o korporasyon hanggang Dec. 31, 2023 upang maging kwalipikado sila sa pautang ng Landbank o Development Bank of the Philippines para sila makapagpundar na modernong sasakyan.
Ang “Busina” na pinangunahan ng mga babaeng lider at chairwomen ng transport cooperatives ay naglakad mula sa Petron gas station sa East Avenue sa Quezon City patungo sa punong tanggapan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board bitbit ang mga tarpaulin na nagsasaad ng kanilang todo suporta sa programa ng gobyerno kaugnay sa modernization ng pampublikong transportasyon at bumubusina habang naglalakad.
Umaasa sila na ititigil na sana ang pagpapalawig ng “consolidation” na nakatakdang matapos sa Disyembre 31, 2023.
Binanggit nila na sa mga lalawigan 100 porsyento na ang “consolidation” kung kaya’t wala ng dahilan pa para palawigni ang “consolidation” sa Kalakhang Maynila.
“Yes! to modernization. No! to extension of consolidation program on Dec. 31, 2023. No! to tigil pasada (transport strike). Sakay na Biyahe na Busina na,” ang isinisigaw nila habang naglalakad.
Kanila ring ipinahayag na hindi sila sasama sa tigil pasada sa July 24-26 na ikinasa ng ibang grupo ng transportasyon.
Isinigaw rin nila na wag magbitiw sa pwesto sina Department of Transportation Secretary Jaime Bautista at LTFRB Chairman Atty. Teofilo “Jojo” Guadiz III bilang tugon sa panawagan ng karibal na grupo.
Kabilang sa lumahok sa “Walk for a Cause” ay ang Lagro Transport Service Cooperative, Cazanova, Juan Transport Express Cooperative, CURODA TSC, Catolos Panay Transport Cooperative, Taguig Transport Service Cooperative, Makabayan Bagong Silang Transport Service Corporation (MBSTSC), Central Transport Cooperative, 1Pasada-MTC at Daang Hari Transport Cooperative. – Perfecto T. Raymundo, Jr.