LUNSOD NQ QUEZON – Isang tribo sa Isla ng Boracay na kinabibilangan ng 44 pamilya ay hiniling nitong Huwebes kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. na makialam sa kanilang kaso kaugnay sa pagbawi ng 44 Certificate of Land Ownership Awards (CLOAs) na ipinagkaloob sa kanila ng Department of Agrarian Reform (DAR).

Sa isang pulong balitaan, sinabi ni Maria Tamboon na isama naman sila sa State-of-the-Nation-Address (SONA) ni Pangulong Marcos sa Lunes.

Ayon kay Tamboon, mawawala sa kanila ang 3.2 ektaryang lupain na ipinagkaloob sa kanila na noon ay Pangulong Rodrigo Roa Duterte noong 2020.

Sinabi pa ni Tamboon na ang kanilang pamilya ay nagsasaka at nagtatanim sa naturang lupain simula pa noong panahon ng kanilang kanunununuan.

Subalit, anya, pinaburan ng Department of Agrarian Reform ang protesta ng mga developers na nagsabing ang kanilang lupain ay di nababagay sa pagsasaka at pagtatanim ng mga produktong agrikultural.

Nagdesisyon si DAR Region VI Director Shiela Enciso na ang mga lupaing sakop ng 44 CLOAs na ipinagkaloob sa nasabing bilang ng pamilya ay hindi na nababagay taniman.

Dahil dito, nangangamba ang grupo ni Tamboon na mawawala ang pinagkukunan ng kanilang kabuhayan. – Ni Perfecto T. Raymundo, Jr.