Nagwagi ang isang high school dance team, Indayaw Dance Company, mula sa Taguig City bilang Grand
Champion ng International Peace Youth Group (IPYG) Virtual Dance Competition for Peace sa huling
deliberasyon na ginanap noong ika-7 ng Hulyo, 2022. Natanggap nila ang cash prize na ₱50,000 at plake
sa Turnover Ceremony na ginanap noong ika-25 ng Hulyo sa HWPL Peace Room, Parañaque City Public
Library.
Inorganisa ito ng IPYG sa pakikipagtulungan sa Rotary Club of Manila Metro. Ang kompetisyon ay
binuksan noong Marso 2022 para sa lahat ng grupo ng mga mananayaw na kabataang Pilipino sa lahat
ng genre.
Mayroong anim na finalist sa preliminary round na ginanap noong ika-1 ng Hulyo base sa deliberasyon
ng mga hurado at social media scores. Sa huling deliberasyon, ipinalabas ang mga pagtatanghal ng anim
na finalist mula sa iba’t ibang panig ng Pilipinas. Isa sa mahahalagang salik sa pagsusuri sa mga kalahok
ay ang kakayahang maiparating sa mga manonood ang papel ng kabataan sa pagpapalaganap ng kultura
ng kapayapaan.
Naging inspirasyon ng Indayaw sa pagtatanghal ang mga pandaigdigang isyu kamakailan tulad ng patuloy
na digmaan sa pagitan ng Russia at Ukraine. Nagsimula ang kanilang pagtatanghal sa isang batang babae
na natulog nang balisa dahil sa mga napanood na balita tungkol sa digmaan. Sa pamamagitan ng sayaw,
ipinakita nila ang kaguluhan, kahirapan at mga suliranin sa karapatang pantao—ang bangungot ng
dalaga. Sa kanyang paggising, sinimulan ng dalaga na isulong ang kapayapaan dala ang pag-asa na
balang araw, wala nang digmaan at ang mga tao ay magkakaisa para sa mga susunod na henerasyon.
Sila rin ay bumigkas ng tula ukol sa kapayapaan sa kapayapaan at ipinakita ang 10 artikulo ng
Declaration of Peace and Cessation of War (DPCW).
Ang pangalan ng grupo na “Indayaw” ay nagmula sa mga salitang “indak” at “sayaw”. Ang grupo ng 25
mag-aaral sa mula sa Signal Village National High School ay nanalo na rin ng championship awards sa
iba’t ibang regional at divisional dance contest dala ang pangalan ng kanilang paaralan at syudad. Sila rin
ay nagtatanghal ng iba’t ibang uri ng sayaw tulad ng katutubo, moderno at sayaw sa pista.
“Bilang kauna-unahang kampyon ng IPYG Dance for Peace Virtual Competition, nangangako kaming
patuloy na isusulong ang kapayapaan sa pamamagitan ng pakikinig, pagtulong at pagiging mabuti sa isa’t
isa. Sa pamamagitan nito, magkakaroon ng kapayapaan sa isipan ng bawat tao at ang mundong ito ay
mabubuhay nang mapayapa,” sabi ni G. Jason T. Digneneng, ang mentor ng Indayaw Dance Company.
Ang mga hurado ng patimpalak ay sina Coach Lowell Tan ng UST Sinag Ballroom Dance Company, World
of Dance Philippines Choreographer para sa DanceSport, at Core Member at Educator sa Philippine
Dance Sport Federation Academy; Lala Dinglasan, isang choreographer at mananayaw; KP Morales, isang

content creator at event graphic designer; at Genesis Uz Espina, isang content creator at dating
performer.
Kabilang sa mga finalist ang P-Squad Marawi na 1st Runner-up, Sining Timunato Dance and Theater
Collective bilang 2nd Runner-up, Tha’ BC Illest Vibe bilang 3rd Runner-up at Newbreedz bilang 4th
Runner-up.
Umantid sa puso ng mga hurado ang pagtatanghal ng P-Squad Marawi na alay sa mga sundalong nasawi
sa Marawi siege. Lumahok na rin ang grupo sa “It’s Showtime” at nakakuha ng pinakamataas na marka
mula sa mga hurado sa weekly finals noong 2019.
Nilagdaan ng Indayaw Dance Company at P-Squad Marawi ang Memorandum of Understanding (MOU)
at IPYG Affiliation sa ginanap na Turnover Ceremony. Ang tatlo pang mga finalist ay pipirma pa lamang
para maging opisyal na “peace messenger” ng IPYG. Sa pamamagitan ng partnership, ang mga grupo ay
regular na magtatanghal sa pambansa at internasyonal na mga kaganapan ng IPYG at HWPL, at
magsasagawa ng iba’t ibang aktibidad para isulong ang kapayapaan sa mga kabataan.
Bilang karagdagan, nagtanghal din ang guest performer na NEWSTYLE, isang Filipino Pop Rock boy band
na may apat na miyembro, ng kanilang debut single na ‘Hanggang Sa Awit Na Lang’ bilang intermission.

Ang IPYG ay isang organisasyong pangkapayapaan na itinatag ng nagkakaisang mga kabataan na may
layuning protektahan ang kanilang sarili mula sa mga banta na dala ng digmaan at labanan sa buong
mundo, at ipamana ang kapayapaan sa mga susunod na henerasyon. Ang pananaw ng organisasyon ay
linangin ang isang kultura ng kapayapaan at ipalaganap ang mga halaga nito sa lahat ng sulok ng
mundo sa pamamagitan ng aktibong pakikipag-ugnayan ng kabataan. Isinasagawa ng IPYG ang Youth
Empowerment Peace Workshop (YEPW), isang youth consultation platform na dinisenyo upang lutasin
ang iba’t ibang hamon na kinakaharap ng mga kabataan, at ang Youth Empowerment Peace Class
(YEPC) upang malutas ang iba’t ibang problema na nagbabanta sa kabataan at sa hinaharap ng
pandaigdigang komunidad.