LUNSOD NG QUEZON – Naiparehistro na sa World Intellectual Property Organization ang imbensyon ni Vaugh Matthew Valle, iskolar ng Philippine Science High School o PSHS-Central Visayas Campus sa Argao, Cebu.
Tinawag ni Valle ang kanyang imbensyon na VISION, kung saan naging katuwang niya sa pagkakalikha nito ang kanyang gurong si Dr. Benito A. Baje.
Makatutulong sa mga may kapansanam sa paningin ang VISION sa pamamagitan nang pagsusuot nito at pagbibigay sa kanila ng mga visual signal mula sa paligid nila na pinroseso ng maliit na bahagi ng naturang aparato o device.
Parang ordinaryong sunglasses lang ang aparato na makatutulong sa mga gagamit nito sa pang-araw araw nilang gawain.
May real-time feature ang VISION na pinapaganang maramdaman ang parating na tao at bagay para ma alerto ang gumagamit nito.
Mai-scan nito ang buong paligid para maipakita sa magsusuot nito ang lokasyon ng mga bagay sa kanyang kapaligiran.
May text-to-speech function din ang nasabing device na magtatranslate ng teksto sa berbal na salita na magagamit ng user kapag nakaencounter ng nakasulat na alituntunin at direksyon.
Hinikayat naman ni Executive Director Lilia T. Habacon ng PSHS System ang kanilang mga iskolar na protektahan ang kanilang mga imbensyon.
“It’s another feat for PSHS scholars. We encourage our scholars to obtain Intellectual Property Rights to protect the integrity of their works. We hope that this recognition inspire more Filipinos to research, innovate and protect their work,” ani Habacon.
Ilan pang mga imbensyon at inobasyon na Tatak Pisay, Orihinal ang Likha mula sa iskolar na kinatawan ng Central Visayas Campus at Main Campus ang buong pagmamalaking ipinaliwanag at ipinrisinta rin sa harap ng mga opisyal ng eskuwelahan at ilang mamamahayag sa pamamagitan ng video presentation nitong Biyernes, Hunyo 17 sa PSHSC Conference Room, Diliman, Lunsod ng Quezon. – Ni Harold T. Raymundo