StingRay

Nasa Ika-2 taon na nang pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan ng Pamamahayag sa
ating bansa.
Sa bisa ng Republic Act No. 11699 na naging epektibo noong nakaraang taon sa
termino ni dating Pangulong Digong Duterte.
Kung dati rati’y ang ipinagdiriwang ay ang International Press Freedom Day,
ngayo’y sariling bersyon na natin na National Press Freedom Day.
Kahit na ika-2 taon pa lamang, walong taon na tayong nakikipaglaban para sa
pagdiriwang natin ng Araw ng Pamamahayag sa Pilipinas, ayon kay National Press
Club President Lydia Bueno.
Talaga namang, may laya tayong magpahayag, lalu na ang lehitimong mga media
na responsableng ginagampanan ang tungkuling mag-ulat para sa kapakanan ng
taumbayan.
Sumobra pa nga ang kaluwagan, na makikita natin sa ating mga nababasa sa mga
social media platforms, na gawa ng mga content creators o tinatawag nating mga
vloggers.
Mga walang pakundangan sa pagbibigay ng maling impormasyon, na lubhang
nakasisira sa ilang mga indibidwal, mapasimpleng tao lamang o importanteng
personalidad sa lipunan.
Anumang sobra, ika nga eh, hindi nakabubuti sa kahit ano pa mang aspeto.
Kasabay nang pagdiriwang ng Pambansang Araw ng Pamamahayag ang paggunita
rin sa kapanganakan ni Gat. Marcelo Del Pilar, na tinaguriang the Father of
Philippine Journalism.

Bilang taga Bulakan, Bulacan si Gat Del Pilar, taas noo naming
ipinangangalandakan sa buong mundo na kami’y kanyang kalalawigan, bukod pa
sa kapatid sa piniling propesyon, na isinasabuhay ang responsable at makabayang
paraan nang pamamahayag.
Na huwag naman sanang dungisan ng aming mga kabaro, isapuso at diwa ang
pamantayan sa maayos na pamamahayag. Sundin ang mga nilalaman ng
“Journalist Code of Ethics,” na kinikilala ng lahat ng Samahan ng mga
Mamamahayag sa buong bansa.
In short, ayon nga kay Presidential Task Force on Media Security Chief Paul
Gutierrez, kabilang sa maling gawain nang isang tunay na journo ang pagiging
propagandista ng mga pulitiko, partikular kung nalalapit ang halalan at pagpasok
o pagiging protektor ng mga iligal na gawain.
Mas mainam, ani Usec Paul, na gawing inspirasyon ng mga nasa hanay ng midya
ang naging buhay at sakripisyo ni Plaridel (pen name ni Gat. Del Pilar).
Kalayaan sa pamamahayag, huwag sanang abusuhin ng walang kaalaman at
pagsasanay sa larangan ng pag-uulat.
Dahil ang iresponsableng pamamahayag ay nakamamatay!